MANILA, Philippines - Lutang ang ganda ng reigning Mrs. Universe-Philippines 2014, Hemilyn Escudero-Tamayo sa ginanap na press launch ng kauna-unahang Miss Tourism Philippines 2015 sa Luxent Hotel kamakailan. Present din para sumuporta ang mga Pinay beauties na sina Athena Mari Jamaica Cartiz (Miss Summer International-Philippines 2015), Christine Joy Picardal (Miss Diamond of the World-Philippines 2015), at Cindy Madduma (Miss Tourism World-Philippines 2014).
Ang Miss Tourism Philippines 2015 ay tugon diumano sa hiling ng Dept. of Tourism sa pag-promote ng Tourism, Culture and Arts ng iba’t ibang munisipalidad at siyudad ng ating bansa. Ayon kina Gareth Blanco, Chairman and Managing Director Miss Tourism Phils., iba ang Miss Tourism pageant na ito sa mga nagdaang Miss Tourism ng bansa.
Sinabi naman ni Charley Leongson, President at Chairman ng A1 Icon Production, Inc., kakaiba raw ang beauty contest na ito dahil layunin nitong magkaroon ng mga tinaguriang Tourism Ambassadors sa 1,634 municipalities and cities ng bansa.
Ang mga mapipiling Tourism Ambassadors ang siyang mamamahala kung paano nila mapapanatili ang kultura ng kanilang lugar at mapalalawig ang turismo rito.
Magkakaroon ang mga kandidata ng 3-day orientation and training program sa March 20-22 bilang paghahanda sa kanilang mga tungkuling gagampanan.
Mula sa 1,634 na ambassador, kukuha ng 81 kandidata sa bawat municipalities and cities na maglalaban-laban sa Sagalahan o Flores de Mayo na gaganapin sa Mall of Asia Grounds on May 30.
At sa nalalabing 81, dalawa sa bawat rehiyon lang ang matitira para sa coronation night on July 25 ng Miss Tourism World (na ipadadala sa Japan sa Oktubre bilang Philippine Representative) at Miss Tourism Universe (na ipadadala naman sa Lebanon sa buwan ng Agosto).
Bukod sa layuning mai-promote ang turismo at kultura ng bawat munisipalidad at siyudad ng bansa, ang nasabing pageant ay nagnanais din na ma-promote ang talento ng mga Filipino designers sa buong mundo. Gagawin umano nila sa abot ng makakaya na madala ang talento ng mga Pinoy designers sa international pageant.
Matatandaang naging malaking isyu ang pagkatalo ni Mary Jean Lastimosa sa nakaraang Miss Universe 2014 dahil diumano sa mga gowns (national costume at evening gown) na ipinasuot sa ating kandidata. Pinag-initan nang husto sa social media ang Bb. Pilipinas President, Stella Araneta dahil sa panlalait sa Filipino designers at pagpabor sa kababayang si Alfredo Barraza (Columbian) sa mga kinukuhang gowns sa competition.