Nanalo na namang best actress sa Dhaka International Film Festival si Governor Vilma Santos dahil sa kanyang pelikulang Ekstra, at iyan din ang basehan ng igagawad na pagkilala sa kanya ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA), sa kanilang Ani ng Dangal awards sa susunod na linggo.
Marami nang nanapalunang best actress award si Ate Vi para sa pelikulang iyan. Katunayan na ang dahilan kung bakit sinasabing may mga artistang madalas na manalo ng awards sa abroad ay dahil masipag lang silang magsasali sa mga festival sa ibang bansa. Si Ate Vi hindi masyadong naasikaso iyan. Ang ginagawa pa niyang pelikula ay puro mainstream lahat, at alam naman natin na ang focus ng mga producer ng pelikulang iyan ay ang makagawa ng mga pelikulang hit sa takilya, at marahil manalo rin ng award pero dito na lang sa atin, after all iyan ang katunayan na magaling ka.
Iyong mga pelikula namang indie, talagang masisipag iyan sa pagsali sa mga film festival sa abroad, dahil sa pagbabaka-sakali nila na maibenta sa isang foreign distributor ang kanilang pelikula, o baka naman makuha kahit na para sa mga cable television lamang. Kasi ang indie, talagang hindi pa uso sa Pilipinas. Hindi iyan inilalabas sa malalaking sinehan dahil mababa ang earning potentials ng mga indie films. Kasi para makatipid, ang kinukuha nilang artista kundi mga baguhan ay mga laos na.
Kaya nga nakatipak ang Ekstra nang makumbinsi nila si Ate Vi na gawin ang pelikulang iyon. At ‘yan yata ang kauna-unahang pagkakataon na may isang legitimate box office actress na gumawa ng isang pelikulang indie. Nagkaroon ng kumbinasyon ang mahusay na acting ni Ate Vi, ang kanyang lakas na bumatak ng tao sa takilya, at ngayon ang pagsisikap naman ng kanyang mga producer na madala iyon sa mga international festivals, bukod nga sa kumita na rin naman sila sa local market dahil nailabas iyon sa mga sinehan kagaya ng isang mainstream movie.
Kaya nga eh, walang batayan sa kahusayan iyong sinasabi nilang sunud-sunod na panalo ng awards sa abroad, lalo na’t karamihan naman sa mga iyon ay maliliit na festivals lamang. Ngayon na lumabas na ang katotohanan na kaya rin iyon ni Ate Vi, ano pa ang ipagmamalaki ng iba?
Noong isang gabi, napanood namin ang isang restored movie ni Ate Vi. Iyan iyong mga lumang pelikulang isinasalin sa digital para mas mapaganda pa, at mapanatili ang kalidad sa pagdaraan ng taon. Maganda nga ang pagkaka-restore sa pelikula. Anim na pelikula na pala ni Ate Vi ang fully restored. Sinasabi nilang may 15 pelikula pa ni Ate Vi ang kanilang hinahanap para sa restoration. Mahirap din dahil iba-iba naman ang mga may ari ng mga pelikulang iyon. Iyong isang magandang pelikula ni Ate Vi, iyong Pagputi ng Uwak, Pag-itim ng Tagak na ginawa ng henyong si Celso Ad Castillo, at si Ate Vi mismo ang producer, ni hindi na nila alam kung nasaan ang master. Iyong iba pa niyang magagandang pelikula kagaya ng Relasyon, Sister Stella L, at marami pang iba ay nasa Regal naman.
Ang nakikita namin sa ngayon, iyang sunud-sunod na mga parangal kay Ate Vi, at ang ginagawang mabilisang restoration ng lahat ng kanyang mga klasikong pelikula, ay mga palatandaan na tiyak darating ang isang araw na kikilalanin din siyang pinakamahusay na aktres of all time. After all sino ba naman ang nakaabot na sa kanyang kinalalagyan sa ngayon?
Ibang klase talaga si Ate Vi.