Natagpuan ng mga pulis ang napakaraming droga sa bahay ni Bobbi Kristina Brown sa Atlanta, Georgia nang i-search nila ito sa ikalawang beses.
Ayon sa unang report ay walang natagpuan na droga sa bahay ng anak nila Whitney Houston at Bobby Brown. Pero nang balikan nila ulit ang bahay, marami raw silang na-confiscate at malamang isa roon ang dahilan kung bakit natagpuan si Bobbi Kristina na walang malay sa bathtub nito.
Hindi pa puwedeng ilabas ng mga pulis kung ano ang mga drogang natagpuan nila sa bahay dahil pinag-aaralan pa nila kung ano ang mga iyon.
Ang dahilan kung bakit walang nakitang mga droga ang mga pulis sa unang pag-search nila sa bahay ay dahil hinahanap nila ay items na “out in the open”. Kaya sa second search nila, doon na sila tumingin sa mga dresser drawers, cabinets, closets, at pati na sa ilalim ng kama ni Bobbi Kristina.
Jak napilitan lang mag-aral kumanta noon
Dahil sa mas nakikilala na si Jak Roberto kumpara sa ibang kasamahan niya sa Walang Tulugan with the Master Showman, wala naman daw siyang nararamdaman na may naiinggit o nai-insecure sa kanya.
Para kay Jak na pantay-pantay silang lahat, lalo na ang bilin sa kanila ni Kuya Germs Moreno ay magmahalan sila bilang magkakapatid sa show.
Kabilang si Jak sa binuong all-male trio na 3logy. Kasama niya rito sina Jeric Gonzales at Abel Estanislao. Kilala na nga ang 3logy dahil sa inawit nilang Maybe It’s You na theme song ng Koreanovela na My Name is Kim Sam Soon.
Inamin ni Jak na hindi naman daw siya singer pero napilitan siyang mag-aral kumanta dahil sa Walang Tulugan.
Noong magkaroon sila ng voice lesson under Zebedee Zuniga, isa siya sa napili para mabuo ang 3logy.
“Marami kaming pinag-pares para malaman kung nagbe-blend ba kami. Hanggang sa kaming tatlo na nila Abel at Jeric ang naiwan. Kami raw ‘yung bagay na magkakasama ang boses.”
Gusto ni Jak na muling magkateleserye. Una siyang lumabas sa teleserye na With a Smile. Pangarap niyang makasama sa teleserye ang tulad nina Lovi Poe, Carla Abellana, Kris Bernal, at Marian Rivera.
Lumabas naman si Jak sa Cinemalaya entry last year na Asintado. Ngayon ay may natapos siyang isa pang indie film titled Potpot.
Thor malaki ang utang na loob sa The Voice
Kung hindi pa dahil sa The Voice of the Philippines ay hindi mare-revive ang singing career ni Ettore Dulay o mas kilala bilang si Thor.
Noong 2004 pa naging aktibo sa music scene si Thor dahil sa hit self-titled album niya sa ilalim ng Warner Music. Nasundan pa ito ng isa pang album noong 2007 titled Duets with Thor kung saan naka-duet sina Jay Durias, Luke Mijares, Jinky Vidal of Freestyle, Nina, Juris, at iba pang mga sikat na OPM singers na noo’y bina-back-up-an lang niya at ng kanyang bandang Mix Extremes.
Pero biglang nawala ang demand kay Thor sa mga music lounges sa Metro Manila at ilang taon din siyang hindi naging aktibo hanggang sa dumating na ang The Voice of the Philippines in 2013.
“Sinubukan ko lang siya talaga dahil parang make or break na ito. Kung wala pang mangyari, I can go back to Davao and start a new life.
“Wala naman akong masyadong ini-expect that time sa pagsali ko sa The Voice. Gusto ko lang subukan ulit ang suwerte ko,” sey pa niya.
Hindi nga nagkamali si Thor sa pagsali sa The Voice dahil siya ang kauna-unahang contestant na nakakuha ng four-chair turner mula sa mga coaches na sina Lea Salonga, Sarah Geronimo, Apl de. ap at Bamboo Manalac. Ito ay dahil sa kanyang rendition ng I Have Nothing ni Whitney Houston.
Pagkatapos nga ng The Voice, muling bumalik sa music scene si Thor. Isa nga sa pinaka-proud niyang ginawa ay ang mag-interpret ng song ni Popsie San Pedro sa Philpop noong 2014 titled The Only One.
Kinuha rin si Thor bilang vocal coach ng programang ASAP at sa Gandang Gabi Vice ng ABS-CBN 2. Nag-front act din si Thor para sa Girl on Fire World Tour ni Alicia Keys noong 2014.
Dahil sa kanyang talento, kinuha siyang isa sa mga artist ng Cornerstone Music na pinamamahalaan ng talent manager na si Erickson Raymundo.
Bilib si Erickson sa husay ni Thor at pinabalik niya ito sa pag-record ng album. Ito na iyong Master of Soul.