Halos kasing tindi ng nangyaring Papal visit sa Pilipinas ang diskusyon at coverage ngayon ng mga instasyon ng radio, telebisyon at mga diyaryo sa istorya ng SAF 44, ang apatnapu’t apat na magigiting na miyembro ng pulisya na na-massacre sa Maguindanao habang ginagampanan ang kanilang tungkulin na hanggang ngayon ay hindi mo malaman kung sino talaga ang nag-utos.
Ayaw na naming banggitin iyan at iwanan na natin iyan sa ibang mga kolumnista ng PM (Pang-Masa) na sadyang dapat tumalakay diyan. Dito na lang tayo sa nangyayari sa show business na bunga niyan.
First time kaming nakakita ng isang newscaster na umiyak habang naghahatid ng balita. Hindi iyon napigilan ni Noli de Castro habang nagbabalita siya at humiling ng panalangin para sa mga pinaslang na pulis. Nagulat din kami sa paninindigan ni Judy Ann Santos na nag-post pa nga ng isang balita tungkol sa pag-cancel ni US President Barrack Obama ng lakad para salubungin ang bangkay ng mga sundalo ng kanilang bansa. Ang director na si Mark Reyes ay hindi nakapagpigil ng kanyang gustong sabihin tungkol sa mga bagay na iyan. Hindi namin inaasahan dahil sa political affiliation ng kanyang asawang si Congresswoman Lucy Torres Gomez ay magpapahayag ang actor na si Richard Gomez na itigil na muna iyang sinasabi nilang “peace agreement” dahil wala namang kahihinatnan iyan.
Maging si Miss World Megan Young ay nagpahayag din ng pangangailangan ng hustisya. Ganoon din ang pananaw ng aktres na si Louise delos Reyes na ang tatay at kapatid pala ay pulis din. Si Michael V ay gumawa pa ng drawing ng isang sundalong patay na, hawak ang isang cell phone kung saan namatay siyang nakatingin sa larawan ng kanyang pamilya.
Mayroon din namang walang paki, kagaya ng nag-comment pang si Leah Navarro na kaalyado ng administrasyon, na umani ng batikos sa napakaraming tao. Iyong kanyang opinion, sa palagay namin ay hindi nakatulong sa mga pulitikong gusto sana niyang tulungan. Mas mabuti pa kung kantahin na lang niya iyong Saan Ako Nagkamali.
Iba’t ibang damdamin ng mga taga-showbusiness ang nakita namin. Kami, nakikisimpatiya kami sa mga pulis na napaslang sa operasyong iyan. Ipanalangin natin sila na nawa’y makamit nila ang hustisya laban sa mga pumaslang at sa mga nagpabaya sa kanila.
After 5 years Claudine may sisimulan na raw indie film
Uy, may pelikula na palang gagawin si Claudine Barretto na sinasabing magsisimula na sa buwang ito. Limang taon na niyang sinasabing magkakaroon siya ng pelikula. Finally may comeback na siya pero isang indie film lang yata iyon.
Makikita natin ngayon ang pagtanggap ng publiko kay Claudine. Siya pa ba iyong dating sinasabing drama princess o hindi na? Kung kikita ang pelikulang iyan, ok siya. Kung hindi naman kikita, palagay namin mahihirapan na siyang makahanap ng isa pang mamumuhunan sa pelikula niya, o network na magkakaroon pa ng interest na kunin siya.
Noong lumayas siya sa ABS-CBN, kinuha pa siya ng GMA. Pero matapos na bumagsak ang ginawa niyang anthology sa GMA-7, hindi na siya naisalba ng kanyang mga manager saan mang network.
Hintayin na lang natin ngayon ang pagpapalabas ng pelikulang gagawin niya. Magsimula man iyan sa buwang ito, hindi mo masasabing matatapos talaga iyan. Hindi mo rin masasabi kung kailan nga ba maipalalabas iyan, o kung maipalalabas ba iyan sa mga sinehan. Baka kailangang maghintay sila ng isang indie festival para maipalabas ang sinasabing pelikula ng aktres.