Ang bait naman ni Binibining Pilipinas-Universe Mary Jean Lastimosa. Naglabas pa siya ng isang video kung saan nagpapasalamat ito sa mga kababayan niya sa suportang ipinakita sa kanya. Nananawagan din naman siyang suportahan pa ang mga susunod sa kanyang lalaban sa Miss Universe dahil mahirap daw ang laban. Nanawagan din siya na huwag nang sisihin ang anuman at sinuman sa kanyang pagkatalo. Sinabi niyang ginawa niya ang pinakamabuting magagawa niya at palagay niya, umabot naman siya doon sa isang puwestong maaari nang ikarangal. Kaya tama na ang sisihan.
Nakangiti si MJ sa kabuuan ng video, kaya masasabing hindi siya pinilit o binulyawan para gawin ang video na iyon.
Pero hindi nagpahupa ng galit lalo na ng mga Filipino fashion designers sa mga organizers ng Binibining Pilipinas ang nasabing video, lalo na nga kay Stella Marquez Araneta na nagsabi pang ipinagagawa niya ang mga gown ng mga kandidata sa kanyang kababayang si Alfredo Barraza nang ilang taon na dahil wala siyang nakikitang mahuhusay na designs mula sa mga Pilipino.
Mukhang nagkakaisa ang mga designer sa paninindigan na sila lamang ang makagagawa ng tunay at mas magandang national costume ng Pilipinas. Hindi iyong isang dayuhan na gumawa ng isang gown na kulay “sapin-sapin”. May comment pa ngang sinabing iyon daw head dress na ipinagamit kay MJ, at ang gown ay parang bagay lamang sa Panagbenga, ang flower festival sa Baguio tuwing Pebrero.
May mga designer pang naglabas ng sketches ng national costume tulad ni Rajo Laurel, kung sila ang pagagawin nito. At kahit na sa drawing pa lang ng gown ay talaga namang magandang ‘di hamak kaysa sa ginawa ni Barraza. Pero sabi nga ng couturier na si Rene Salud, wala kang magagawa dahil ang masusunod talaga riyan ay kung sino ang producer at sa kaso natin, si Stella Marquez Araneta iyon. Pero nanindigan din siya na ang national costume na Pilipino ay dapat ipagawa sa isang Pilipino.
Mahilig ang mga Pilipino sa beauty contests, pero pagkatapos kaya ng kontrobersiyang ito ay may susuporta pa sa kanila sa kabila ng panawagan ni MJ?
Sharon malapit-lapit nang maging Kapamilya
Magbabalik nga ba ang Megastar Sharon Cuneta sa ABS-CBN?
Kung mangyari man iyon ay hindi kami magtataka. Matagal na panahon din naman ang inilagi ng Megastar sa Channel 2. Bukod doon, ang ABS-CBN naman sa pamamagitan ng Star Cinema ang nakapagbigay kay Sharon ng mga pelikula kung saan siya nanalo ng mga award, bukod pa nga sa kumita ang mga iyon. Sa Star Cinema siya naka-grand slam.
Hindi naman natin maikakaila na kung bumaba man nang kaunti ang kanyang popularidad noon, iyon ay dahil sa hindi nga siya masyadong aktibo, masyado kasi siyang lumaki. Pero naroroon pa rin naman ang pangangalaga sa kanya at hindi sumadsad ang kanyang career. Nagbabago ang format ng kanyang mga show, pero hindi siya nawawalan ng TV shows.