MANILA, Philippines – Nagmamaang-mangan ba ang isang newscaster na nagtanong sa news reporter kung judge si Manny Pacquiao nu’ng Miss Universe o hindi niya talaga alam? Nakakabuwisit kasi dahil matalino pa naman ang dating ng newscaster, huh!
Eh sa totoo lang, bago pa man ang Miss Universe pageant, naka-broadcast na sa lahat ng local TV shows at mga dyaryo na isa sa judges si Manny. Puwes, alam dapat ‘yon ng mga news anchors. Walang dahilan upang hindi niya malaman eh malaking balita ‘yon dahil pangalawang beses lang yata nagkaroon ng Pinoy judge sa Miss Universe kung hindi kami nagkakamali, huh! Nauna si Lea Salonga.
Sa totoo lang, hindi lang dapat umaasa sa mga binabasa ang mga news caster. Dapat knowledgeable din sila sa currents events na siyang forte nila, ‘no?
Dapat pangaralan ‘yang newscaster na ‘yan na hindi alam ang kaganapan sa ibinabalita, huh!
Jake at Bea ‘pinagbigyan’ nina Daniel at Kathryn
Nagbigayan ang Star Cinema at APT Entertainment sa playdate ng kani-kanilang movie. Eh iilan na nga lamang ang nagpu-produce ng mainstream movies at ang film outfit ng ABS-CBN ang paminsan-minsan nagdi-distribute ng movies ng APT kaya hindi na magsasabay ang movies nila sa February 25.
Unang ilalabas ang Liwanag sa Dilim nina Jake Vargas, Bea Binene, Igi Boy Flores at Sarah Lahbati. Then sa end of February, ay ang movie naman nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang ipalalabas.
Magkaiba man ang genre ng kani-kanilang movies, tiyak na magkakasakitan pa rin kung sakaling natuloy ang banggaan ng dalawang loveteam, huh!
Mike tumanggi sa stage play, hoping na bibigyan ng trabaho ng GMA
Tambay muna sa regular shows sa GMA si Mike Tan. Huli siyang napanood sa Kambal Sirena kung saan nagkaroon sila ng isyu ni Aljur Abrenica. Pero ayon sa aktor nang huli naming makausap sa launching ng isang produkto, umaasa siyang matutuloy na ‘yung bago niyang programa ngayong Pebrero.
May offer sana sa aktor na stage play na Juego de Peligro at makakasama sana niya sina LJ Reyes at Vin Abrenica pero tumanggi siya rito.
“Dahil ‘yon sa project na gagawin ko sa GMA next month. Kasi ‘pag stage play, maraming oras ang kakainin sa schedule mo. Nakagawa na ako ng stage play at talagang ubos ang oras mo doon. Ayoko namang masisi na tinanggap ko, tapos hindi ko rin magagawa ang ‘yung nasa schedule,” rason ni Mike.
Pero ‘di ba siya ‘yung nasusulat na aktor na panay ang reklamo dahil hindi sunud-sunod ang shows niya sa network?
“Huh? Ako ba ‘yon? Hindi naman ako reklamador! Alam ko naman kung saan ako lulugar! Wala akong arte sa roles na binibigay sa akin!” diin ng aktor.