MANILA, Philippines - Saksihan ang engrandeng birthday bash ni Toni Gonzaga sa ASAP 20 ngayong Linggo (January 25). May Sunday date ang cast ng Halik sa Hangin na pangungunahan nina Julia Montes, Gerald Anderson, at JC De Vera. May malaking pasabog din sina Erich Gonzales, Arron Villaflor at Jason Abalos na sabay-sabay magdiriwang ng kanilang 10th anniversary sa showbiz. Kaabang-abang din ang back-to-back surprises ng Popstar Royalty na si Sarah Geronimo at King of the Gil, Enrique Gil.
Magliliyab ang entablado sa extreme Supahdance showcase mula kina KC Concepcion, Rayver Cruz, John Prats, Sam Concepcion, at Iza Calzado. Garantisadong pag-uusapan din ang SupahClash performances nina Sarah Geronimo versus Alex Gonzaga, Liza Soberano versus Julia Baretto, Shaina Magdayao versus Nikki Gil, at Kim Chiu versus Maja Salvador.
Magbabalik sa concert scene ang Divine Diva ZsaZsa Padilla sa isang special concert treat. Hindi rin magpapahuli sa nakakamanghang concert performances nina Martin Nievera, Arnel Pineda, Bamboo, Yeng Constantino, Angeline Quinto, Jed Madela, Erik Santos, Sam Milby, Richard Poon, Klarisse, at Aiza Seguerra. Magpapakwela naman sa Karaokey sina Luis Manzano, Alex Gonzaga, at ang Total Performer na si Rico J. Puno.
Mahalaga at maiinit na eksenasa pagbisita ng Santo Papa babalikan ni Jessica
Dalawampung taon matapos ang huling pagbisita ng isang Santo Papa sa Maynila, binasbasan ni Pope Francis ang mga Pilipino na lalong nagpaigting sa pananampalataya ng humigit-kumulang 80 milyon na Katoliko sa Pilipinas.
Ngayong Linggo ng gabi, muling sariwain ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa pamamagitan ng Blessed by the Pope special mula sa GMA News and Public Affairs.
Sa pangunguna ng award-winning broadcast journalist na si Jessica Soho, hatid ng Blessed by the Pope ang pinakamahahalaga at pinakamaiinit na tagpo ng makasaysayang pagbisita ng Santo Papa – mula sa kanyang pagdating, ang pakikipagpulong niya sa mga pamilya at mga kabataan, ang kanyang madamdaming pagbisita sa Leyte, at ang banal na misa sa Luneta na dinaluhan ng milyun-milyong Pilipino, hanggang sa kaniyang pag-alis.
Tunghayan din ang mga espesyal na panayam sa piloto ng eroplano na naghatid kay Pope Francis sa Tacloban at sa chef na naghanda ng pagkain ng Santo Papa.
Mapanonood din sa Blessed by the Pope ang panayam sa isa sa mga pamilyang biktima ng super typhoon Yolanda na nabigyan ng pagkakataong makasama sa isang pananghalian ang Santo Papa.
Sariwain ang mga mensahe ni Pope Francis ngayong Linggo, Enero 25, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA-7.
Mga hindi pa nakikitang eksena sa pagbisita ni Santo Papa, itatampok ni Lynda
Magbabalik-tanaw si Lynda Jumilla sa makasaysayang pagbisita ni Pope Francis sa bansa kung saan kasabay siya sa paglipad ng Santo Papa mula Vatican patungong Sri Lanka at Pilipinas sa dokumetaryong Ang Mabuting Pastol: Pope Francis Sa Pilipinas hatid ng ABS-CBN Docu Central ngayong Linggo (Jan 25).
Itatampok ni Lynda kung paano naapektuhan si Pope Francis ng maiinit na pagsalubong sa kanya ng mga Pilipino.
Ipapakita rin sa dokumentaryo ang tinatawag na ‘Pope Francis effect’ sa mga Pilipino at ang mga sakripisyo nila nang masulyapan lang ang itinuturing na kinatawan ni Hesu-Kristo para sa mga Katoliko at mapakinggan ang kanyang mensahe ng awa, malasakit, at pagmamahal.
Sa pamamagitan ng komprehensibong coverage ng ABS-CBN News sa Manila at Tacloban noong pagbisita ni Pope Francis sa bansa, itatampok din ang pambihirang pagpapamalas ng pananampalataya ng mga Pilipino at pagmamahal para sa lider ng simbahang Katoliko.
Huwag palampasin ang Ang Mabuting Pastol: Pope Francis Sa Pilipinas ngayong Linggo (Jan 25) sa Sunday’s Best ng ABS-CBN, pagkatapos ng Gandang Gabi Vice.