Hinayang na hinayang na naman ang mga Vilmanians at sinasabi nilang nakawala na naman kay Vilma Santos ang isang magandang project. Kasi nga nabalitaan nilang sisimulan na ang isang project na alam nilang inialok kay Ate Vi noong nakaraang taon pa, pero hindi naman niya matanggap dahil sa kanyang schedule.
May mga offers na talagang naghihintay sa schedule ni Ate Vi, hanggang hindi pa niya tinatanggihan. May mga proyekto namang basta nagtagal iniaalok na sa iba dahil may hinahabol din naman silang panahon. Siguro nga, hindi naman makakapagtagal ang kanilang puhunan. Iyan iyong mga independent producers. Kasi iyong malalaking producers, kung may nade-delay mang proyekto, maaari naman silang gumawa ng iba pa.
Ang sinasabi ng mga Vilmanians, palagay nila ang proyektong iyon ay isang pelikula kung saan maaaring manalong muli ng best actress award ang kanilang idolo. Pero bago tayo manghinayang na lahat sa mga bagay na iyan, sagutin nga muna ninyo, talaga bang kailangan pa ng award ni Ate Vi?
Palagay namin, kung anuman ang desisyon niya sa mga proyektong dapat niyang gawin ay ok naman. Kasi ang punto riyan, napanatili niya ang kanyang popularidad hanggang sa ngayon. Hindi lamang siya nananalo ng award, ang mas mahalaga ay kumikita ang kanyang mga pelikula. Tadtarin mo man ng panalo ng award hindi naman kumikita ang pelikula mo, may kukuha pa bang producers sa iyo, lalo na at kung ang pelikula mo ay tinatanggihan nang ipalabas sa mga sinehan? Kaya nga masasabing sa pamimili ng proyekto ay ok naman si Ate Vi. Dahil ano nga ba ang mangyayari sa popularidad mo kung mapapanood ka lang sa mga hotoy-hotoy na festivals sa abroad tapos dito naman ayaw tanggapin sa mga sinehan?
Kaya nga pabayaan na ninyo ang diskarte ni Ate Vi sa kanyang career.
‘Pope Francis fever’ may epekto kaya sa showbiz?!
Matindi talaga ang sinasabi nilang ‘Pope Francis fever’. May nakita kaming mga celebrities, kagaya nina Congresswoman Lucy Torres-Gomez, Cherry Pie Picache, Rodjun Cruz at iba pang mga artista na nakahalo sa napakaraming tao sa Luneta sa final mass ni Pope Francis. Hindi naman sila inuusyoso dahil talagang ang buong atensiyon ng mga taong naroroon ay naka-focus sa Santo Papa.
Tingnan natin ang sinasabi nilang Pope Francis effect sa mga taga-show business. Maiiwasan na ba ang mga iskandalo lalo na ang paghihiwalayan at pagdedemandahan ng mga mag-asawang artista? Ano kaya ang dating niyang Pope Francis effect sa mga bakla at tomboy na nagpapakasal sa isa’t isa? Ano kaya ang epekto ng kanyang panawagan para sa mga mahihirap doon sa mga artistang nagpapakita ng labis na pag-aaksaya o sobrang pa-bongga sa kanilang mga ginagawa?
Magkakaroon kaya ng mataas na ratings ang mga palabas kagaya ng bagong seryeng Oh My G! na batay sa mga turo ni Santa Teresa de Avila? Magkakaroon kaya ng mga makabuluhang panoorin kaysa sa mga pelikula at TV series na tungkol sa same sex relationship? Mawawala na kaya ang mga bastos na kanta? Matititigil na kaya ang mga bastos na video?
Malalaman natin iyan ngayong nakaalis na ang Santo Papa.
Sana dinggin natin ang kanyang mga panawagan dahil iyan ay nangangahulugang mas bubuti ang ating buhay. Hindi naman siguro tayo nagkakagulo lamang sa Santo Papa dahil sa pag-uusyoso.