Zsa Zsa hindi naghahabol sa mga ari-arian ni Dolphy na ipapa-auction

MANILA, Philippines - Magkasama na sa tirahan sina Zsa Zsa Padilla at boyfriend niyang si Conrad Onglao. In fact, magkasama sila sa Palawan nu’ng Gabi ng Parangal ng 2014 MMFF kaya naman hindi niya natanggap ang Best Actress award niya para sa indie movie na M (Mother’s Maiden Name) na isa sa New Wave Feature ng festival.

Ang mga anak na sina Nicole at Zia ang nakatira sa bahay nila ni Dolphy sa Marina. Ayon sa aktres, siya pa rin daw ang nagma-manage ng bahay at hindi totoo ‘yung tsismis na ipagbibili niya ang bahay.

Hindi rin inakala ni Zsa Zsa na magkakaroon uli siya ng bagong pag-ibig sa katauhan ni Conrad.

“I remember, sobra akong ‘no’ sa pagkakaroon ng bagong relasyon. Tinanong ako ni Tita (Atty. Joji) nu’ng kamamatay ni Dolphy. ‘Do you see yourself…’ No. talagang wala. Not at all!

“Then it came a time when you would feel it I guess. Parang wala. Hirap ka na ng mourn and mourn. I told myself… I lost so much weight na. I think it has to come from me. I have to try again!” paliwanag ng singer-actress sa bagong relasyon.

Pero pagdating sa pagpapakasal, biro ni Zsa, “’Di ba sabi ni Toni Gonzaga, wala nang venue? Ha! Ha! Ha! Wala, wala pa ‘yon!”

Sa January 31, ipa-o-auction ang mga properties ni Dolphy sa Dolphy Theater. Walang isyu sa kanya ito and in fact, kakanta siya sa nasabing okasyon, huh!

“Okey na rin ‘yon dahil of our plans to put up Dolphy Museum at sa iba pang works ng Dolphy Foundation. Saka para na rin magkaroon ng iba to have finances sa business na gusto nilang gawin!” katwiran ni Zsa Zsa.

Anyway, binigyan ng Grade A ng Cinema Evaluation Board (CEB) ng M (Mother’s Maiden Name) na mula sa direksyon ni Zig Dulay.

Here Comes the Bride… tinalbugan na ng EOP

Sososyo na pala ang Star Cinema sa pelikulang pagsasamahan nina Kris Aquino at Derek Ramsay. Ibinalita ito ni Atty. Joji Alonso ng Quantum Films na isa rin sa producers ng pelikula. Bukod sa kanila ng Star Cinema, co-producer din si Kris at Regal Entertainment dito.

Nang tanungin si Atty. Joji sa presscon ng indie movie ni Zsa Zsa Padilla na M (Mother’s Maiden Name) kung tapos na kaya ang problema between Star Cinema and Derek, “I guess! Ha! Ha! Ha!” ang sagot nito.

Ayon sa lawyer-producer, ang title ng movie ay Che­mistry. Si Chris Martinez ang director nito.

Siyempre, high pa si Atty. Joji sa success ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry niyang English Only, Please na pinagbidahan nina Derek at Jennylyn Mercado. Sa pagtatapos ng filmfest, umabot na ito sa P150-M. Tinalo na raw nito ang box-office gross ng prinodyus niyang movie na Here Comes the Bride na magkakaroon din ng sequel this year.

Hanggang ngayon daw ay tanging ang EOP ang festival entry na palabas pa rin at patuloy pa ring tinatao, huh!

Show comments