Minsan nang nagsalita si Senador Ralph Recto na kung siya ang tatanungin, gusto niyang magpahinga na sa pulitika ang kanyang asawang si Governor Vilma Santos pagkatapos ng termino nito bilang gobernadora ng Batangas sa 2016. Nasabi iyon ni Senator Ralph dahil nagkasakit na nga si Ate Vi sa sobrang stress.
Kung si Ate Vi naman mismo ang tatanungin, sinasabi niyang siguro nga ay sapat na ang 18 taon niya sa pulitika, una bilang mayor tapos bilang governor naman sa Batangas. Pero naroroon ang pressure ng kanyang mga kababayan na gustong maging mayor siyang muli ng Lipa, at ngayon nga lumalabas na naman ang mga kuwento na si Ate Vi raw ay nasa isang “short list” ng isang partido bilang senador sa 2016. Matunog na matunog iyan ngayon.
Nauna pa riyan, may mga nagsabi na gusto naman siyang patakbuhin sa mas mataas pang posisyon bilang vice president sa 2016. Maganda kasi ang record niya bilang isang public servant, at alam iyan sa buong Pilipinas, hindi lang sa Batangas.
Pero papaano nga ba ang sinasabi ni Ate Vi na gusto naman niyang balikan ang kanyang first love, ang show business pagkatapos ng 2016?
Marami rin namang mga plano si Ate Vi. Hindi maikakaila na nakatambak pa sa kanya ang offers para gumawa ng pelikula. May standing offer pa sa kanya ang isang network para sa isang regular TV show na ang alam namin ay na-oohan na niya, pero wala naman siyang time para gawin iyon sa ngayon. Kung makikita rin ninyo ang tinatanggap na mga e-mail at sulat mula sa fans na bumabagsak sa Kapitolyo ng Batangas, magugulat kayo sa rami at isa lang ang hinihiling nila, balikan ni Ate Vi ang show business.
May plano rin si Ate Vi na mag-direk ng pelikula, at base sa kanyang karanasan bilang isang aktres, sa palagay namin makagagawa siya talaga ng mga mahuhusay na pelikula bilang isang director. Bukod doon, may balak pa siyang mag-produce na muli ng mga pelikula at matagal na niyang pinag-aaralan iyan.
Kung kami talaga ang tatanungin, mas gusto naming balikan ni Ate Vi ang kanyang pagiging isang aktres, kailangang-kailangan kasi siya ng industriya kesa ipagpatuloy niya ang pagiging pulitiko.
Andi nagiging maldita sa ina?!
Kontrobersiyal na naman ngayon si Andi Eigenmann, hindi dahil sa pelikula niyang Tragic Theater kundi dahil sa sinabi niyang balewala ang pagtutol ng kanyang inang si Jaclyn Jose sa kanyang manliligaw na si Bret Jackson. Ito na ang ikalawang controversy ng mag-ina sa love affairs niya.
Noong una, nagkaroon din ng controversy nang masabi ni Jaclyn sa press na hindi niya nagugustuhan ang nangyayari sa love affair ng kanyang anak at ni Jake Ejercito dahil tutol nga ang mga magulang ni Jake kay Andi noon.
Hindi naman siguro basta nakikialam lang si Jaclyn, at masasabing natural lang naman ang ganoong mga opinion o pakikialam ng mga nanay.
Siguro nga, masyadong liberated na ang kaisipan niyang si Andi kaya naman siya nakapagsasabing bale wala sa kanya anuman ang sabihin ng nanay niya.
Pero sa totoo lang, hindi magandang pakinggan lalo na ng iba, at lalo na kung maririnig ng iba pang mga kabataan ang isang hinahangaan nila na nagsasabing wala siyang pakialam kung anuman ang sabihin ng nanay niya.