MANILA, Philippines – Pinadalhan ni Mother Lily Monteverde ng thank you text si Governor Vilma Santos-Recto upang magpasalamat sa ginawang endorsement sa Shake, Rattle & Roll XV. Kahit 59 lamang ang sinehang pinagtanghalan ng SRR last Christmas Day, kumpara sa ibang entries na mahigit isang daan ang nakalaan na sinehan, satisfied na rin ang Regal producer sa resulta ng pelikula.
Naniniwala si Mother na naging epektibo ang endorsement ni Ate Vi ng filmfest entry niya upang humamig din ito ng milyones sa takilya. Ang isa pang ikinatutuwa ni Mother ay ang magagandang reviews at positibong feedbacks sa SRR XV.
Sa panig naman ni Gov. Vilma, isang welcome text at thank you ang isinukli niya sa pasasalamat ni Mother Lily.
Speaking of Gov. Vilma, kinumusta namin ang nakaraang Christmas at plano sa New Year.
“Christmas as usual for the family…Dinner dito sa bahay!! New Year…Again family out of town but need to be back Dec. 30 for Marian (Rivera)/Dingdong (Dantes) wedding then back sa family…
“Pagpasok ng Jan 2015…Back to work but prepare for Ralph’s bday – Jan. 11 and mama’s bday too Jan. 18!!! Looking forward na makagawa naman ako kahit isang movie!!! Miss ko na talaga! Ha! Ha!
“Right now (Saturday) preparing to visit Bong (Revilla)…Jinggoy (Estrada) and sana Enrile Juan Ponce)…To show appreciation sa friendships…Ang pagkakaibigan naman namin ay beyond politics…Walang kinalaman ang pulitika sa mas nauna pang pagiging magkaibigan namin sa showbiz!!!
“Praying for a POSITIVE NEW YEAR PARA SA ATING LAHAT!!!! Thanks, Jun! I love you my friend!!!” text sa amin ni Gov. Vilma.
Mayor Erap ayaw nang balikan ang MMFF, salubong sa Bagong Taon sa Maynila pangungunahan nina James at Nadine
Maambisyon ang pangarap ni Manila Mayor Joseph Estrada para sa lungsod ng Maynila. Gusto niyang maging malinis ang siyudad na pinamumunuan gaya ng kalinisan na nakikita niya sa Singapore at Hong Kong.
Dumalo si Mayor Erap Estrada sa pagbubukas ng isang linggong 3D video mapping skit na ginawa sa Rajah Sulayman Plaza sa Roxas Blvd. Malate. Ito bale ang simula ng malaki at bonggang Sulong Manila 2015 Countdown sa December 31.
Matapos ang mahigit sampung minutong panonood ng view, namigay ng packed dinner sa ilang batang inimbitahan sa okasyon na ‘yon.
First time magkakaroon ng New Year Countdown ang Maynila. Gaganapin ito sa pagitan ng Diamond Hotel at Ramon Magsaysay Bldg. sa Roxas Blvd. Sinimulan nang itayo ang mataas na scaffoldings na gagawing stage ng performers.
Sa interview ng media kay Mayor, naibahagi niyang bibigyan siya ng tribute sa Gabi ng Parangal (kagabi) sa PICC. Siya kasi ang nagpasimulang gawing Metro Manila Film Festival (MMFF) na dating Manila Film Festival.
Eh sa balitang pag-alis ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa posisyong hinahawakan, payag ba siya kung sakaling pamunuan ang MMFF?
“Tapos na tayo riyan. Maganda naman ang ginagawa ni Chairman Francis. Ibigay na lang nila sa iba. Dito muna ako sa projects ko sa Maynila,” rason ni Mayor Erap.
Ang Sulong Manila 2015 Countdown ay proyekto ng MARE Foundation. Sa pakain nila sa mga bata, tumulong sa Manila Mayor ang anak na si Jackie Ejercito at apo na konsehal ng San Juan na si Janella Estrada.
Bukod sa makulay na gabi sa Disyembre 31 simula ala sais ng gabi, magkakaroon ng performers na pamumunuan nina James Reid, Nadine Lustre, Julian Estrada at iba pa.