Miguel isasabong ng GMA sa mga matinee idol

Inamin ni Miguel Tanfelix na medyo natatakot din siya sa sinasabi ngayong siya na ang next matinee idol, at sinasabing siya ang panlaban ng kanilang network sa mas mga sikat na matinee idols ng iba. Pero inamin niya na natutuwa rin naman siya at dumating sa kanya ang ganoong pagkakataon.

Iyong kanyang seryeng Once Upon a Kiss, mukhang itatapat pa sa serye ng malakas na kalaban.

Ganoon naman talaga ang laro sa telebisyon. Titingnan ng network kung ano ang mailalaban nila sa mga malalakas na stars ng kalaban. Pipili sila ng mga talent na mailalaban nila. After all kung sakali at hindi umubra, eh ‘di magpalit sila ng talents. Walang mawawala sa network. Iyon nga lang, ang talent ang lalabas na loser dahil basta hindi niya nakayanan ang laban, sasabihin mahina kasi siya.

Siguro iyon ang kinatatakutan ni Miguel. Pero sa tingin naman namin, hindi man sabihing tatalunin niya nga­yon kung sino ang number one, naroroon pa rin ang chances na maging number one din siya later on dahil bata pa naman siya. Hindi nga lang sana magkaroon ng conflict sa pagitan niya at ng network.

Hindi mo masasabi eh. May panahon na sinasabing number one si Jo­shua Dionisio. Matindi ang dating ng love team nila noon ni Barbie Forteza. Ang akala ng marami tuluy-tuloy na i­yon dahil marami silang pinababagsak na kalabang shows. Pero aywan kung ano nga ba ang nangyari. Pinaghiwalay sila ng love team, lumipat si Joshua, naiwan si Barbie. Pero unti-unti wala na tayong narinig tungkol kay Joshua.

Mayroon namang ipinipilit kahit na laging talo, kagaya ng kaso ni Aljur Abrenica. Bumagsak man, may assignment ulit para makabawi. Kaso nabagot din at nagkaroon ng feeling na masyado siyang pinapagod sa trabaho. Nagreklamo pa. Ngayon lalo siyang nawala.

Huwag lang magaya sa mga ganyang sitwasyon iyang si Miguel Tanfelix, palagay namin kakagatin iyan ng masa. Nasa hitsura niya kasi ‘yung sisikat bilang matinee idol talaga, at may talent ha.

Sir Elton John nagpakasal na rin sa BF

Nagugulat kami kahit na sa international scene. Bumulaga sa amin ang ba­lita tungkol sa pagpapakasal ng dating member ng N Sync na si Lance Bass sa isang lalaki, si Michael Turchin. Mas lalo pa ka­ming nagulat nang masundan pa iyan ng pagpapakasal ni Elton John kay David Furnish.

Matagal na nating alam na bakla si Elton John, pero hindi namin iniisip na sa kanyang edad ngayon at saka pa siya magpapakasal sa isang lalaki, lalo na nga ay binigyan pa siya ng honorary title ng kanyang bansa kung saan siya tinatawag na “Sir Elton John”.

Dumarami na nga yata ang same sex marriage.At ang nakakagulat, iyong lumabas na statement na iginagalang daw ng Malacañang ang mga ganyang kasal, kaya lang kailangang himukin ang kongreso na gawin din iyang legal sa Pilipinas. Sa Pilipinas na sinasabing 87 porsiyento ang mga katoliko, at sa kabuuan ay 98 porsiyento ang lahat ng mga Kristiyano, kahit na may mga bakla rin sa kanila, aywan kung ano ang mangyayari sa magsusulong niyan sa kongreso.

Ok lang namang kilalanin ang mga bakla at mga tomboy, pero ang sinasabi namin hindi na dapat na baguhin ang isang institusyon kung ayaw man nilang sabihing iyan ay isang sakramento, ang kasal.

Pero sa trend ngayon, aywan lang. Hindi magtatagal hihi­ngin din iyan ng mga bakla sa Pilipinas.

                                                                     

Show comments