Ex ni Mahal at dating miyembro ng That’s Entertainment magpapakasal na sa boyfriend
May isang dating member ng That’s Entertainment na natatandaan namin na naging alaga ng isang beteranong movie writer noong araw na umamin on national television na magpapakasal din siya sa kapwa niya lalaki, si Filio (Jimboy) Salazar. May panahong sinasabi pang naging boyfriend niya ang komedyanang si Mahal, pero ngayon ang pakakasalan niya ay ang kanyang boyfriend na ang pangalan ay John Danan.
Mukhang dumarami na nga ang “same sex marriage” rito sa Pilipinas kahit na iyan ay hindi pa legal sa ating bansa. May mga opisyal ng gobyerno kagaya ni Mayor Herbert Bautista na nagsabing kung siya ang tatanungin, payag siyang magkasal ng mga bakla. Marami kasing bakla sa kanyang lunsod at sinasabi nga na sa kanyang lunsod may pinakamaraming gay bars at iba pang gay establishments.
Nagsimula lang iyan dahil sa isang medyo matured na gay na nagpakilalang pari ng sarili niyang iglesia na nagkakasal at kumikilala sa kasal ng mga bading, na tinatawag niyang “holy union”. Kasi hindi naman talaga mapapatunayan sa mga kasulatan na may ikinasal ngang mga bakla o tomboy. Pero sinasabi nga nila ang marami sa malalakas ang loob na gumagawa niyan ay mga taga-show business.
Kikita at lalangawin sa takilya inaabangan na sa MMFF
Officially magsisimula na ang Metro Manila Film Festival (MMFF) dahil sa parada ng mga artista bukas. Pero sinasabi nga nila na ang simula niyan ay sa araw pa mismo ng Pasko kung kailan mapapanood ang mga pelikulang kasali. Kagaya ng dati, walong pelikula ang kasali. Kagaya rin ng dati, sinasabi ng marami kung alin sa mga kasali ang siguradong kikita at maglalaban sa takilya.
At iyon na ang mas binabantayan ngayon ng mga tao, kung ano’ng pelikula ang kikita. Kasi nga, maliwanag namang ang MMFF ay isang trade festival. Ibig sabihin, hindi na iyan outlet ng mga artistic movies kundi commercial movies. Hindi naman lihim iyan, dahil ang isa sa batayan sa pamimili ng pelikulang kasali ay kung kikita ba.
Sinasabi kasi nila noon pang araw, na iyong mga artistic films ay hindi naman masyadong malakas sa takilya, at ang resulta lumiliit ang kita ng mga sinehan sa panahong dapat ay tumatabo sila ng kita. Kaya nga nang dumating ang panahon na mas nagkaisa ang mga theater owners, naging iba na ang batayan sa festival. Noong simula kasi, isang artistic festival iyang MMFF.
May mga sinasabi silang “makukulit na pelikula”. Iyon pala iyong mga pelikulang paulit-ulit na lang ang tema at ang kuwento. Nakagawa na kasi sila ng ganoong hit formula, kaya paulit-ulit na nilang ginawa iyon. May mga pelikula namang sinasabi nilang maganda, pero tipong experimental at halos walang publisidad, halos wala ka ring makitang mga trailer na inilalabas sa telebisyon dahil iyon ang mga pelikulang maliliit ang puhunan. Hindi kagaya noong araw na ang mga pelikulang kasali sa festival ay pantay-pantay pati sa advertising, ngayon bahala sila. Kung sino ang may pera, mag-promote sila hanggang gusto nila.
Malaki na ang kaibahan ng film festival ngayon kaysa sa festival noong araw. Noon, sinasabi namin na ang kinikita ng mga pelikula sa amusement tax, ipinagkakaloob ng festival sa mga manggagawa ng industriya. Ngayon, hindi na ganoon. Isang parte na lang ang napupunta sa mga manggagawa ng industriya. Iyong iba napupunta raw sa paglaban sa piracy na hindi rin naman nila mapigil. May parte riyan pati na ang Optical Media Board (OMB) na isang ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng Office of the President. Maski na nga ang “social fund” ng presidente, may parte pa sa kita ng festival ngayon.
Sa taong ito, dalawang pelikula lang ang gusto naming mapanood sa MMFF. At saka na namin sasabihin kung napanood na namin.
- Latest