Pero ‘di pa rin sumusuko Robin aminado, malaki na ang nasayang na pera sa historical films

Aminado man si Robin Padilla na hindi sila kumita sa tatlong historical films na ginawa nila ng kapatid na si Rommel Padilla, patuloy pa rin daw siyang gagawa ng ganitong mga tipo ng pelikula tulad ng Bonifacio: Ang Unang Pangulo na entry sa 2014 Metro Manila Film Festival (MMFF).

“Pang-apat na pelikula na po ito ng RCP Productions, nagpapasalamat po kami na kahit du’n sa tatlong pelikula na aming ginawa ay hindi kami kumita, bagkus ay nalugi pa kami, pagkalugi, at tinax pa kami, kami po ay masaya ng aking kapatid sapagkat kailanman, sa aming mga pangarap, bilang mga producer, hindi po namin ninais o hinangad na ang aming karangalan ay ibenta kahit kanino.

“Ang tatay po namin ay nagpakamatay para sa bayan. Kami po’y masyadong nahihiya naman sa tatay namin kung kami ay wala pong gagawin para sa bayan. ‘Yun lang po ang puwede naming i-share sa mga tao ngayon,” pahayag ni Binoe.

Pero this time, sa Bonifacio, ayon sa action star ay natuto naman daw sila sa mga unang pagkakamali.

“Kami naman ni Kuya Rommel, pinag-aaralan namin kung ano ‘yung mali namin du’n sa mga una naming ginawa. Du’n po sa una naming tatlong historical films na ginawa, masyado po kaming straight na historical. Ayaw naming mag-compromise sa gusto ng tao.

“Kaya dito po sa Bonifacio, nakipag-compromise na po kami kung ano ‘yung gusto ng tao at ‘yun po ‘yung present time. Ang gusto po ng vie­wers na nakikita nila, ‘yung present time,” he said.

Nakipagtalakayan daw sila sa mga kabataan bago nila gawin ang pelikula at ang opinyon nga raw ng mga ito, nakakaantok daw ang historical movie.

“Kaya po dito sa pelikulang ito, at nang na­ki­pag­ta­­la­kayan po kami kay Direk Enzo (Williams, ang direktor ng Bonifacio), pinilit naming mailagay si Jasmine (Curtis), si RJ Padilla at siyempe, si Da­niel Padilla at higit sa lahat, ang authority sa pelikulang Pilipino, si Direk Eddie Garcia,” pahayag pa ni Robin.

Ang kabataan daw ang target nila sa pelikulang ito at hindi katulad ng naunang tatlong historical films nila na hindi raw nila tinarget ang mga kabataan.

“At hindi po kami maaaring magkamali na kapag pinanood po ito ng kabataan, sila po ang magsasabing “ah, eto na nga ‘yon”, pahayag pa ng Action King.

When asked kung bakit wala si Daniel sa presscon at kung makakatulong ba ang Teen King sa pagpo-promote, ayon kay Binoe ay wala namang dudang buong puso ang pagmamahal ng pamangkin nito sa proyektong ito.

“Kaya lang siyempre, kailangan nating tanggapin na ang pamangkin ko ay Teen King. Ibig sabihin, eh, kailangang proteksyonan din namin siya na huwag naman siyang masyadong magmukhang seryosong tao. Kailangang huwag mawala sa kanya ‘yon at naiintindihan namin siya do’n.

“At ‘yung pagiging available niya sa promo, ginagawa ang lahat ni Daniel para makapunta, katulad noong Nov. 30, nagpunta siya at sa ibang promotion pa namin, nagpupunta siya.

“Kaya lang, siyempre, kami’y nakikiraan lang sa ABS-CBN at sa Star Magic. Kapag nagsabi kami kay Daniel, wala namang hindi do’n sa taong ‘yun. Sa pamangkin ko na ‘yon, walang “hindi”.

“Ang madalas lang humindi, ‘yung mga namumuno do’n sa network na ‘yun, sa schedule (ni Daniel). Pero wala kaming masasabing hindi maganda sa ABS-CBN, sa Star Magic, kasi sila rin naman, kapag available si Daniel, eh dumadating si Daniel,” paliwanag ni Binoe.

At lalo na raw kapag sinabihan ni Rommel ang anak na pumunta, talaga raw nagmamadali pa si Daniel.

“Iba siyempre ang utos ng tatay,” sambit pa ni Binoe.

Samantala, magdaraos si Robin ng Pasko this year na hindi kapiling ang asawang si Mariel Rodriguez dahil nasa US ito at hindi siya makakasunod dahil na-deny na naman siya ng visa.

Kaya biro niya, lumuluha raw siya ngayong Pasko. Pero ang maganda raw kay Mariel, nang malaman ngang hindi siya makakasunod, nag-effort naman daw ang misis at gumawa ng paraan para isa-isang pauwiin ang kanyang mga anak dito sa Pinas para makapiling niya.

“Katunayan, kauuwi lang ni Camille at kaaalis lang kaninang umaga. Nandito naman ngayon at kumpleto naman ngayon ang mga anak ko kay Liezl (Sicango, dati niyang asawa). Ang nangyari, parang tatay muna ako ngayon,” pahayag pa ni Binoe.

Show comments