Baby girl ang naging anak ni Ara Mina sa kanyang boyfriend na si Bulacan, Bulacan Mayor Patrick Meneses. Si Ara mismo ang gumawa ng announcement sa pamamagitan ng kanyang social networking account, at sinabi pa niya na ang pangalan ng kanyang anak ay Amanda Gabrielle.
Siguro, ang dapat na kasunod nating marinig ay ang pagpapakasal nila ng kanyang boyfriend. Maaari namang mapalaki ang kanilang anak nang walang kasal, marami namang ganyan, pero naniniwala kami na kung ganyan din lang na may anak na sila, mas lalo nilang kailangang patibayin ang kanilang pamilya at ang kanilang pagsasama alang-alang sa kanilang anak. Posible rin naman na masundan pa ang kanilang panganay, kaya bakit naman hindi pa sila magpakasal?
Sinasabi ng iba na iyang kasal ay “kapirasong papel lamang”, pero hindi ganoon. Mahalaga iyan para sa mas tuwid na pamumuhay.
Bilanggong singer maraming konek sa ‘music industry’
Masyadong naging kontrobersiyal ang naging raid sa New Bilibid Prisons. Lumabas ang naiibang kalakaran para sa mga mayayaman at mahihirap na preso. Palagay namin hindi lang ngayon kundi matagal nang nangyayari iyan. Kung natatandaan ninyo noong araw, mayroon nang nabalitang ganyan na sa halip na sa selda, may mansion pala sa loob ng NBP. Pero ngayon, mas naging kontrobersiyal ang kaso ng bilanggong si Herbert Colanggo, dahil siya pala ay isang recording artist pa, at nanalo pa siya sa Star Awards ng Philippine Movie Press Club (PMPC) bilang Best New Male Recording Artist nitong taong ito, at naka-tie pa niya sa nasabing award si Richard Yap.
Pabayaan na natin ang kuwento ng preso sa kanila. Ang pag-usapan natin ay iyong awards na ibinigay sa kanya. Papaano ba siya napili bilang best new male recording artist?
Iyang awards naman na iyan for music, ang nire-review lang nila diyan ay ang CD. Hindi naman nila kinakausap o kailangang kausapin ang sinumang nominee. Pinipili nila ang mga nominee base sa kanilang narinig na, o kaya isinusumite sa kanila ng mga recording companies. Kagaya nga niyang CD ni Colanggo, lumalabas na iyan ay isang self produced album, at distributed ng Ivory Records. Ibig sabihin hindi naman illegal iyan dahil nasa record bars na ang kanyang album. Iyong CD lang naman ang basehan ng pagbibigay ng Star Awards.
Mayroon pa siyang ginawang mga music video na nasa YouTube. Nagkakaroon din daw siya ng mga concert doon mismo sa loob ng NBP, na ang audience ay inmates lang naman. Hindi naman siya lumalabas ng NBP para mag-concert. Iyan eh questionable kung sasabihin ninyo na nagkaroon siya ng concert sa labas ng NBP.
Mukhang hindi rin lihim na ginawa ang recording sa loob mismo ng NBP, at magagawa lang iyon kung may recording studio na nga roon. Kasi nakalagay naman sa credits ng album na ginawa iyon sa isang recording studio sa NBP. Kung bakit hindi nila nalaman na may recording studio na pala roon, kasalanan na nila iyon. Naging platinum pa raw ang album.
Pero kung kami ang tatanungin, walang kaso kung nabigyan man siya ng Star Awards. Walang pakialam ang PMPC kung bilanggo man siya.