MANILA, Philippines – Nilagdaan ni QC Mayor Herbert “Bistek” Bautista at ni TV5 President and CEO Emmanuel Lorenzana ang isang memorandum of understanding na nagpapatibay sa pagsasanib-pwersa ng dalawang grupo upang ihatid ang pinakamalaki, pinaka-engrande at pinaka-makulay na Philippine New Year Countdown sa makasaysayang Quezon Memorial Circle sa ika-31 ng Disyembre.
Sa ginanap na flag-raising ceremony sa City Hall noong Lunes (Disyembre 15), inanunsyo ni Mayor Bautista ang pakikipagkasundo ng QC Government sa TV5 upang ihatid ang pinaka-engrandeng pagsalubong sa Bagong Taon. Pinamagatang Happy sa 2015: The Philippine New Year Countdown, ang pagdiriwang na ito ay inaasahang hahanay sa mga sikat na pagsalubong sa Bagong Taon sa buong mundo, tulad na lamang ng New Year Ball Drop sa Times Square, New York; Fireworks Display sa London “Eye”; at ng kamangha-manghang mga lights at pyromusical events sa Sydney Opera House sa Australia; at Burj Khalifa sa Dubai.
Magsisimula ang pagdiriwang na hatid ng TV5 sa ganap na alas-10 ng umaga, sa Quezon Memorial Circle kung saan isang artista search ang gagawin upang mahanap ang susunod na pinakamalaking Kapatid star. Mayroon ding mga live bands, street performances at isang LGBT Parade na gaganapin sabay-sabay sa iba’t ibang parte ng makasaysayang parke. Pagsapit ng gabi, isang star-studded na New Year Special Concert ang hatid ng Happy Network upang magpasaya sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sina Ogie Alcasid, Alice Dixson at Derek Ramsay ang magiging main hosts ng programa at sari-saring mga live performances mula sa mga naglalakihang Kapatid stars at special guests ang ipapalabas.
Pinaka-aabangan ang pinakamahaba at pinakamaningning na New Year pyromusical display at lights show na gaganapin sa mismong puso ng Lungsod Quezon, sa pamosong Quezon Monument sa gitna ng Quezon Memorial Circle.
“Ang ‘Happy sa 2015: The Philippine New Year Countdown’ ay handog sa bayan ng Happy Network. Habang patuloy ang paghahatid namin ng mga light at feel-good programs sa aming mga Kapatid ngayong 2015, napagpasyahan naming nararapat lamang na simulan natin ang Bagong Taon na puno ng saya at may positibong pananaw sa buhay. Talagang Happy sa 2015 kasama ang Happy Network!” lahad ni Lorenzana.
Pinasalamatan din ni Lorenzana ang Quezon City Government sa pakikipag-tulungan nito sa TV5 upang ihatid ang di-malilimutang pagsalubong sa Bagong Taon ng mga Pilipino. Pinuri naman ng butihing alkalde ang TV5 dahil napili nito ang City of Stars upang maging kanilang kapareha sa nasabing pagdiriwang. Matatandaan na mayroong malalim na adbokasiya si Mayor Herbert Bautista na naglalayong mapababa ang bilang ng mga New Year-related accidents at emergencies.
“Masaya kaming makipag-sanib pwersa sa TV5 para sa napakalaki at napaka-engrandeng pagsalubong na ito. Kami po sa Lungsod Quezon ay inaanyayahan ang lahat na sumama sa amin, tumungo sa Quezon Memorial Circle, at sama-sama nating harapin ang Bagong Taon bilang isang pamayanan,” ani Bautista.
Ang paglalagda ng kasunduan ng TV5 at ng QC Government ay sinaksihan ng mga TV5 executives na sina First Vice President and Head of Media5 Jane Basas, Head of Network Marketing Melvin Nubla, Chief Finance Officer Anna Bengzon, at Chief Entertainment Content Officer Wilma Galvante; kasama ang mga opisyal ng Lungsod Quezon na sina District 3 Councilor Pinggoy Lagumbay at City Administrator Aldrin Cuña, MNSA.