Hapon ng December 8, na siya talagang foundation day ng Batangas, napanood namin ang TV interview sa kanilang governor na si Vilma Santos Recto na nagsasabi kung ano ang paghahandang ginagawa sa lalawigan dahil noong gabing iyon, inaasahang tatama sa Batangas ang bagyong Ruby at sila ay nasa ilalim ng signal number 3. Sinabi rin ni Ate Vi na sumaglit siya sa Maynila para kausapin naman ang mga kaibigan niyang mga artista na dapat sana ay nasa Batangas para sa foundation day nila pero hindi nga natuloy dahil sa bagyo pero itinakda naman daw ibang panahon.
Magugulat ka dahil alam niya kung sinu-sino ang mga taong dapat mangasiwa ng relief at rescue operations kung sakali, pin pointed niya kung saan ang mga maaaring maging trouble areas, at alam niya kung ano ang dapat gawin sa mga lugar na iyon. Nakahanda na rin daw ang relief goods at mga tauhan din ng kapitolyo at nakahanda sila sa kung anumang eventuality na maaaring idulot ng noon ay napakalakas pang bagyo. Sinabi rin niyang nasabihan na nila ang mga magsasaka na anihin na ang maaaring anihin bago pa ang bagyo, at maging ang mga mangingisda sa Taal Lake, na kunin na ang mga isda na maaaring mangawalang lahat.
Tumama nga ang bagyo at nag-landfall sa Laiya, Batangas noong gabing iyon. Pero very minimal ang damage, at ang report kinabukasan may isa lang daw nalunod doon sa spillway. Kaya nga kinabukasan panay pasalamat ni Ate Vi at ganoon lang ang inabot ng Batangas samantalang ang ibang tinamaan ng Ruby, malaki na naman ang nasira. Talagang totoo nga ang sinabi niya, panalangin ang kailangan sa mga ganyang sitwasyon.
Nasabi nga ng isang kaibigan naming pari, si Fr. Dale Barretto Kho, na sila sa Batangas ay nananalangin para umiwas ang bagyo. Aba, nang tumama nga sa Batangas ang bagyo, mahina na.
Sabi nga ni Ate Vi, kasi nasa Batangas ang imahen ng Mahal na Birhen ng Caysasay at doon din sa Lipa sinasabing nagpakita ang Birhen Mediatrix, at pinaniniwalaan iyan ng marami.
In fact, alam ba n’yo sa Sao Paolo, Brazil ay bubuksan sa Biyernes, December 12 ang isang simbahan na ang patrona ay ang Nossa Senhora Medianeira de Lipa. Iyan iyong Mediatrix ng Lipa na sinasabing nagpakita sa kumbento ng mga madreng Carmelita doon.
Aiza at Liza balak din magpakasal sa ‘Pinas
Legal ba ang ginawang pagpapakasal ni Aiza Seguerra at ng kanyang girlfriend na si Liza Diño sa San Francisco, California? Hindi natin masasabing illegal dahil gusto nila iyon at pareho silang nasa tamang edad na. Pero rito sa Pilipinas, hindi kinikilala iyan dahil hindi pa naman pinahihintulutan ng ating mga batas ang same sex marriage. Sinasabi rin nilang sa susunod na taon ay plano rin nila na magpakasal sa Pilipinas. Mayroong isang iglesia na gumagawa ng ganyan na tinatawag nilang “holy union”. Nagkakasal sila ng mga bakla at mga tomboy, pero hindi nga kinikilala iyan ng ating batas at walang legal bearing.
Ayaw naming magsabi ng aming paniniwala tungkol sa mga ganyang kasalan. Una, dahil na rin siguro sa paniniwala ng aming relihiyon. Sinasabi sa amin na ang ganyang sitwasyon ay kailangang unawain, pero hindi namin masasabing tama nga. Sa kabila ng positibong pananaw ni Pope Francis sa mga bagay na ganyan, hindi pa rin ‘yan tanggap ng aming simbahan.