Tahimik na lang si Raymart Santiago sa kaso ng paghihiwalay nila ng kanyang asawang si Claudine Barretto. Kung iisipin, iyon naman ang tama, huwag na siyang magbigay ng kahit na ano pang comment dahil nasa korte na iyon at hindi na dapat nagsasalita ang sinuman sa magkabilang panig. Isa pa, may gag order ang korte, ibig sabihin hindi talaga sila maaaring magsalita.
Ang sinasabi nga lang ni Raymart, naniniwala siyang in the end ay lulutang naman kung ano ang totoong mga pangyayari at mailalagay sa ayos ang lahat. “Ayos” na hindi ibig sabihin ay magkakasundo pa silang muli ni Claudine, dahil sabi nga ni Raymart na malabo na iyon dahil sa lahat ng mga pinagdaanan nila, pero ang sinasabi niyang ayos ay iyong mapagtulungan pa rin nilang mapangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga anak. Ganoon din naman kung makakakuha na nga sila ng annulment ng kanilang kasal, baka naman dumating ang panahon na magkaroon na rin sila ng kanya-kanyang pamilya at makapamuhay naman nang masaya.
Hindi naman ikinakaila ni Raymart na maayos naman ang kanilang pagsasama noong araw kahit na may mga hindi na sila pagkakaintindihan, pero noong dumating na nga ang sobrang problema, hindi na rin niya natiis, umalis na siya sa kanilang tahanan at doon nga nagsimula ang mas malaking problema na nauwi pa sa demandahan. Naniniwala rin si Raymart na tama ang ginawa niyang pag-alis at pag-iwas sa mga mas malalaki pang sigalutan na maaaring mangyari.
Ang maganda nga lang kay Raymart, maayos pa rin ang kanyang pananaw sa buhay sa kabila ng mga kaguluhang nangyayari. Inaamin niyang may mga bagay siyang pinagsisihan, dahil hindi niya nasunod ang lahat ng mga tagubilin ng kanyang mga magulang sa kanya. Inaamin niyang natangay siya ng kanyang emosyon at hindi masyadong ginamit ang kanyang isip, pero nangyari na nga iyon eh. At least ngayon ay mailalagay na sa tama ang lahat.
Female star kinalimutan na ng mag-amang tinuhog
Nang matapos na ang kanilang love affair, tuluyan na palang pinabayaan ng magtatay na pulitiko ang female star. Ni hindi raw siya dinamayan o tinawagan man lang ng sinuman sa mag-tatay noong magkaroon siya ng problema. Palagay namin hindi rin naman masisisi ang magtatay na pulitiko. Isipin mong natuklasan nilang pareho pala silang pinatulan ng female star.