Derek tinuldukan na ang paglayas sa TV5
Dalawang araw na magkasunod na humarap si Derek Ramsay sa entertainment press para sa magkaibang presscon.
Last Monday ay nasa presscon ang aktor ng Final Four racers ng The Amazing Race Philippines Season 2 at kahapon naman ay para sa pelikulang pinagsasamahan nila ni Jennylyn Mercado na English Only, Please na entry sa 2014 Metro Manila Film Festival (MMFF) mula sa Quantum Films ni Atty. Joji Alonzo.
Sa presscon ng TARP last Monday ay natanong na si Derek tungkol sa napababalitang paglipat niyang muli sa ABS-CBN at itinanggi naman agad ito ng aktor.
“Guys, alam n’yo naman ako, I’m a man of my words. Sinabi ko po sa inyo, ang first priority ko is TV5. They’ve been great to me so, wala namang. . .
“Ewan ko kung saan galing ‘yung lilipat ako pero hindi po ako lilipat sa kahit anon’g network. Hanggang March (2015) pa ang kontrata ko sa TV5 kaya binibigyan pa ako ng mga project and mayroon pa akong responsibility sa kanila,” paglilinaw ni Derek.
Kahapon, sa presscon ng English Only, Please ay tinanong naman sa kanya ang tungkol sa napapabalita ring sa Star Cinema siya gagawa at hindi pala sa ABS-CBN.
Inamin naman agad ni Derek na may offer nga ang Star Cinema sa kanya.
“There’s an offer na medyo natuwa nga ako, they offered a movie na baka gawin ko for Star Cinema, under Skylight. So, bukas (today), may meeting ako with Direk Toto Natividad for that. Nalaman ko lang ‘to 2 days ago but ‘yung babalik ako ng ABS-CBN, there’s no (truth to it),” sabi ni Derek.
So, does it mean na medyo nagbubukas na rin ang pinto niya ulit for ABS-CBN? Open ba siya sa possibility na ‘yun?
“I’ve always been open naman, eh. Wala naman akong galit towards them, eh. I told you, I look at whatever decisions that they made as business decisions. Ayokong isipin na it’s out of. . .’yun nga, ayokong gamitin ‘yung word, hate and anger.
“So, yeah, this is a blessing na we can move forward and you know, it could be all water under the bridge. For me, I’m just waiting for everything to be ironed out and matapos na ‘yung nangyari before,” pahayag ni Derek.
Jennylyn kilalang kilala agad ni Derek
Dahil parehong single ngayon sina Derek and Jennylyn at maganda naman ang chemistry nila base sa trailer ng English Only, Please, natanong sa dalawang bida kung may posibilidad ba na mahulog ang loob nila sa isa’t isa.
Ayon kay Jen ay hindi naman daw natin masasabi kung ano ang puwedeng mangyari. Pero puring-puri niya si Derek na napakabait daw nitong tao, makulit, nakakatuwa at lagi raw siyang pinapasaya kapag malungkot siya. Madalas din daw magdala ang aktor ng Dunkin Donuts sa set na as we all know ay ine-endorse nito.
Si Derek naman, ang nagustuhan daw niya kay Jen ay kung paano nito i-treat ang mga tao sa paligid nito.
“Sobrang respectful at mabait siya sa team niya, sa makeup artist niya, ang trato niya sa kanila, parang kaibigan talaga and I really really like that about her.
“Tapos ‘yung first time nga naming magkakilala, you can tell a lot about somebody when you first meet them, and hindi siya snob, she’s very down to earth even though she’s very successful and a big star.
“Nagustuhan ko na kinausap niya agad ako, walang kaere-ere. Tapos nun’g nagsu-shoot na kami ng pelikula, nakita ko na she’s very interested in sports, she’s very outgoing, hindi siya maarte magbihis, nagbibihis lang kung kailangan.
“She comes to the set, simple lang ang dating, tapos still looking good. ‘Yun. ‘Yun ang gusto ko sa kanya.
“Pero minsan, medyo moody, hindi ko alam kung bakit pero nararamdaman ko na kung may mood swings na ‘yan. Hindi pa nga pumapasok sa tent, alam mo na, eh, nararamdaman mo na ‘yung energy,” mahabang pagde-describe ni Derek tungkol kay Jen na halatang kilalang-kilala na agad niya ang aktres at naobserbahan na agad niya sa sandaling pagsasama nila.
Pero pareho nilang sinasabi na next time na magkaroon sila ng relasyon, gusto sana nilang non-showbiz na ang partner nila kaya tingnan na lang natin kung talagang hanggang dito na lang sa pelikula ang pagsasama nila.
- Latest