MANILA, Philippines - Matapos makapasok sa nakaraang The Voice Kids ang anak niyang si Sam Shoaf sa ilalim ng Team Sarah, ang 90s RnB artist na si Arnee Hidalgo naman ang susunod sa yapak ng kanyang anak at susubok na makalusot sa blind auditions ngayong weekend (Nov. 29 at 30) sa top-rating at Twitter-trending na The Voice of the Philippines.
Matatandaang iniwan ni Arnee ang kanyang singing career noon para makapag-focus sa kanyang pamilya at mga anak. Ngayon, nagbabalik si Arnee sa pamamagitan ng The Voice upang subukang makapasok muli sa industriyang minahal niya. Maging mapalad kaya siya gaya ng kanyang anak na mapaikot ang kahit isang coach?
Sa huling yugto ng blind auditions, mabubuo na ang tig-14 artists ng bawat team nina coach Apl, Sarah, Bamboo, at Lea. Dito masusubukan sa huling pagkakataon ang kapangyarihan at bagsik ng bawat coach sa pagkumbinisi sa artists na mapunta sa kanilang team.
Dahil nga rito, ilalabas ni coach Apl ang napanalunang isa sa anim na Grammy Awards ng kanyang hiphop group na Black Eyed Peas upang ligawan ang isang three-chair turner. Halintulad ito sa nagawa na rin nina coach Lea at Sarah noon. Maging epektibo kayang paraan ito para kay Apl?
Isang matinding paligsahan din ang magaganap sa pagitan nina coach Bamboo at Lea na pag-aagawan ang huling artist para sa kanilang teams na isang aspiring goth artist. Bukod diyan, abangan din ang huling batch ng artists na susubukang mapaikot ang upuan ng coaches para sa kanila, kabilang na ang isang nurse, church singer, at digital artist.