ER Ejercito binawalan nang kumandidato?!
Bagama’t pinagtibay na ng Korte Suprema ang pagdiskuwalipika kay ER Ejercito bilang gobernador ng Laguna, ang desisyong iyon ay hindi pa naman masasabing final and executory. Ibig sabihin, ang actor ay maaari pang magharap ng motion for reconsideration sa Korte Suprema, na siguradong gagawin niya. Kung sakaling matapos ang kanyang hihinging reconsideration ay pinagtibay pa rin ng Korte Suprema ang desisyon wala nang pag-asa si ER, dahil hindi lamang siya aalisin sa puwesto nang tuluyan, mawawalan na rin siya ng karapatang tumakbo para sa ano mang public office dahil iyon ang kakabit na parusa noon.
Kung wala pang desisyon ang Korte Suprema sa kaso hanggang 2016, maaari pa siyang tumakbo ulit, pero tiyak ang mga makakalaban niya ay magsasampa agad ng kasong disqualification.
Pero sinasabi nga nila, kung nawala man siya sa pulitika, ok lang dahil ang ibig sabihin noon ay mas mabibigyan niya nang higit na panahon ang kanyang showbiz career. Tutal nakapaglingkod na naman siya sa Laguna, palagay namin ay tama na iyon. Wala naman siyang ginawang masama, at mahal naman siya ng kanyang mga kababayan. Ang pagkakamali nga lang niya ay iyong sinasabing hindi niya na-control ang gastos sa kampanya, pero wala namang masasabing katiwalian sa pamamahala. Palagay namin good record na iyon, balikan na lang niya ang kanyang pagiging isang actor na matagal din niyang napabayaan.
Ngayon may ginawa siyang pelikula para sa festival. Simula noong maging gobernador siya, nakakagawa na lang siya ng pelikula tuwing Disyembre. Noong araw mas maraming pelikula pa ang nagagawa niya, at wala kaming duda, mas malaki ang kinikita niya bilang isang actor kaysa sa sinusuweldo niya bilang isang governor. Hindi ba maski na si Governor Vilma Santos ganoon din ang sinasabi. Malaking sakripisyo ang pagiging public servant dahil mas malaki ang kita ng artista kaysa sa opisyal ng gobyerno. Hindi ba sinasabi nga ni Governor Vi na sa ngayon mas malaki pa ang kita ng kanyang anak na si Luis kaysa sa kanya.
Ok na rin iyang nangyari kay ER para maasikaso naman niya ang kanyang pagiging isang actor.
Aiko laging butata sa lalaki
Inamin na ni Aiko Melendez na may nakaka-date nga siya ngayong isang dating varsity player ng St. Benilde, pero sinabi niyang “magkaibigan” lang sila at walang totoong relasyon, at lagi naman daw “group date” ang kanilang mga lakad.
Hindi na rin naman natin dapat pakialaman iyan dahil personal na niya iyan, kaya lang kailangan nga sigurong maging maingat at huwag pabigla-bigla si Aiko pagdating sa kanyang love life. Nagpakasal sila noon ni Jomari Yllana at nagkaroon ng isang anak, na nauwi sa annulment. Nagpakasal sila ni Martin Jickain at nagkaroon din ng isang anak, na natapos din naman sa annulment. Nagkaroon din siya ng isa pang love affair na nauwi rin sa wala. At sinasabi nga sa kantiyawan, na-take two na siya ni Ara Mina dahil dalawang beses na ang ka-affair niya ay napunta kay Ara.
Ingat na lang dapat si Aiko. Hindi na siya bumabata. Kung ano man ang maging pagkakamali niya this time ay magkakaroon na ng matinding epekto sa kanyang buhay, at lalo na sa kanyang mga anak.
- Latest