Hindi pa makitaan ni Marvin Agustin ang kambal niyang sina Sebastian at Santiago ng interes na mag-showbiz. Mukhang hindi pa raw pumapasok sa kamalayan ng mga anak ang mag-artista. Active raw ang dalawa sa paglalaro ngayon ng baseball sa school nila sa La Salle. Kahit noong three years old pa lang ang dalawa ay nakuha na ng mga ito ang hilig niya sa sports. Ang una nga nilang natutunan ay ang larong golf.
Mukhang ang pagiging chef daw niya ang mamanahin ng dalawa dahil laging excited ang mga ito kapag nagluluto siya na nagsisilbing bonding time na rin nilang mag-aama. Lagi raw nakasunod sa kusina ang kambal at nakikigulo rin sa kanya kapag nagluluto na siya lalo pag steak ang kanyang niluluto.
Wish niyang magabayan pa niya habang lumalaki ang kambal.
Ikinuwento ni Marvin na nakakadalawang linggo pa lang daw silang nagti-taping ng Flor De Liza. Wala pa silang bangkong episodes kaya hindi pa maplano ang airing time ng kanilang drama series sa ABS-CBN.
Kinakabahan si Marvin at challenge raw sa kanya kung paano mag-drama. Mabuti na lang daw at marami siyang pinaghuhugutan. Hindi na siya dumaan sa acting workshop, pero sa meeting pa lang ay pinag-aralan na nila agad ang kanyang character. Mabuti na lang daw at nasa mabuti siyang kamay sa pangunguna na ni Direk Wenn Deramas at gina-guide raw siya sa mga gagawin. Gamay na niya itong katrabaho dahil ilang beses na rin silang nagkasama sa mga project. Inspirado rin si Marvin dahil magaling daw ang kanyang mga kasama lalo na si Jolina Magdangal.
Samantala, masaya si Marvin na parte siya ng advocacy ng Bear Brand Powdered Milk na mamigay ng mga libro na may pamagat na Ang Alamat ng Matibay sa mga public school. Saludo si Marvin sa mga ganitong project na hindi raw magagawa ng iisang tao lang. Kaya willing siyang makipagtulungan anytime para sa mga bata na future leaders ng ating bansa.