MANILA, Philippines – Hindi kakalas si Ogie Alcasid sa manager niyang si Leo Dominguez at wala sa isip ang grupo niyang A TEAM – Total Entertainment and Artist Management – ang magma-manage sa asawa niyang si Regine Velasquez-Alcasid sa pagtayo niya ng sariling kumpanya.
Ilan sa una niyang artists ay sina Lara Maigue, Davey Langit, Q-York, at komedyanteng si Empoy.
“Ito kasing mga ito…Alam ba ninyo ‘yung Elements Camp? Pinupuntahan ko ‘yan every year. Five years na kami. Sa Dumaguete ‘yan. Itong mga ito, graduates ‘yan ng Elements Camp.
“Iniisip ko na, teka, tinuturuan natin ito. Songwriting camp ‘yon. Ano ang mangyayari after? Eh itong mga ito, nagpapatulong. ‘Kuya, tulungan mo naman kami.’ So kinausap ko ‘yung mga kaibigan ko na nagpu-produce ng concerts. Sabi ko, ‘Halika, magtayo na nga tayo ng agency para sa mga songwriter.’ Eh umoo naman sila, so heto na ito ngayon,” pahayag ni Ogie sa launching ng management team.
Personal na niyang nakatrabaho sina Lara, Davey, at Q-York. “So meron akong emotional investment sa kanila!” rason niya.
May kuneksyon ba sa puso niya ang investment niyang ‘yon?
“Wala naman! Ha! Ha! Ha! Pero dahil parang naging tatay nila ako, kuya, so…Mahirap na rin kasi for them na maghanap ng manager. Ngayon, puro artista ang mina-manage eh. Ngayon, bihira na ‘yung singer. Eh, doon ako nagsimula. Although meron akong ipakikilalang aktor mamaya. Naku, ang pogi nu’n!
“Si Empoy! Ha! Ha! Ha! Siyempre linya ko rin ‘yon. Comedy,” sey niya.
Hindi naman niya aagawin si Regine sa kapatid niyang manager na si Cacai Mitra? “Hindi puwede, kasi hindi naman siya (Regine) songwriter,” tugon ni Ogie.
Pero artista naman si Regine.
“Mahirap, mahirap sabihan ang asawa mo kung ano ang gagawin,” katwiran ng host-singer. “Tuwang-tuwa naman siya nang malaman niya. Kilala naman niya ang mga ito. Hindi nga lang niya alam kung gaano kami kaseryoso,” saad pa ni Ogie.
Hindi naman daw siya ang main manager ng artists niya. Pero alam niyang siya ang magiging instrumento sa mga papasok na trabaho para sa mga alaga. Magkano naman ang komisyong kukunin niya sa mga talents?
“Ninety five percent para fair! ‘Di ba? Ano ba naman ‘yung…Trabaho ka nang trabaho, ‘no? Kami gumaganoon! Ninety five! Ha! Ha! Ha!” biro ni Ogie.
Binubuo na ang album ng tatlo. Ipinapanood sa press ang music video ni Lara ng unang English song niyang Without You, ang The Wedding Song ni Davey Langit na look-alike niya at nagpasikat ng kantang Selfie at New York based duo na Q-York na kumanta sa theme song ng movie niyang Alyas Boy Pick up.
Singer na si Lara Maigue nali-link agad kay Ogie!
Sa tatlong songwriters/singers na artists ng A TEAM, si Lara Maigue ang unang hinangaan ni Ogie sa ginawang kanta na Sa ‘Yo Na Lang Ako na kinanta ni Karylle. Naging theme song din ito ng Derek Ramsay drama na For Love or Money. Nasa cast din siya ngayon ng TV5 musical drama na Trenderas.
Inintriga namin si Lara nang aming makausap bago sila ipakilala. Hindi ba siya natatakot na baka matsismis na silang tuluyan ni Ogie ngayong manager na niya ang singer-host?
“No! I see him not as a brother but…Para siyang tatay figure. Ha! Ha! Ha! Mas close kami ni Nate! Nagpapa-kiss sa akin si Nate. Sa lips talaga! Ha! Ha! Ha!” tugon ni Lara.
Hindi pa siya nahalikan sa lips ni Ogie, huh!
“Ayyyy! Never! Ha! Ha! Ha!” tugon niya.
Close rin ba siya kay Regine?
“’Yung closeness namin kay Miss Regine, ‘pag pupunta ako sa bahay at nagmi-make-up siya, tinuturuan niya ako at binibigyan ng make-up. Tinuturuan niya akong magkilay dahil siya ang naglalagay ng make-up sa sarili niya.
“Pero kahit star struck ako sa kanila, ang gusto ko sa kanila, they don’t treat me as a fan,” rason ni Lara.
Dahil nga sa unti-unti nang nakikilala bilang mahusay na songwriter, maging si Sharon Cuneta ay naging instant fan niya at inatasan siyang gawan ng kanta. Hindi pa nga lang daw niya nasisimulan ang kanta na ikinukulit ng Megastar tuwing magsasalubong sila.