Cristine pakakasal pagkapanganak

Maraming nagkabit-kabit na issues matapos na aminin ni Cristine Reyes na totoo ngang limang buwan na siyang buntis. Sinabi niya na noong una ay ayaw niyang sagutin ang mga tsismis dahil ang kanyang pagbubuntis ay nasa isang critical condition at pinayuhan siya ng OB Gyne niya na kailangan ang pahinga.

Iyon daw ang reason kung bakit hindi muna siya tumanggap ng trabaho at humarap sa mga press interview. Pero talaga raw gusto na nilang magkaroon ng anak ng kanyang boyfriend.

May nakakabit pang issue riyan, dahil ngayon ay natatanong na nga rin ang kanyang kapatid na si Ara Mina, na buntis din sa anak nila ng kanyang boyfriend na si Bulacan, Bulacan Mayor Patrick Meneses, kung bakit nag-deny pa iyon na buntis din si Cristine. Pero simple lang ang sagot doon ni Ara, noong panahong tinanong siya ay hindi niya pa alam na buntis din si Cristine. Siya ang buntis na talaga noon. Ang nasa isip nga raw niya, baka dahil buntis siya ay inaakala lang ng iba na buntis din ang kapatid niya.

Kung noong panahong iyon ay hindi pa nga nagsasalita si Cristine maging sa kanyang pamilya, ano nga ba ang malalaman ni Ara?

Ang maganda lang ngayon, nalaman natin na talaga palang pinaghahandaan na ni Cristine ang pagkakaroon niya ng baby. Pinananagutan naman pala ng kanyang boyfriend ang kanyang anak, at may balak na nga raw silang mapakasal matapos niyang manganak. Choice nila iyon na unahin muna ang pagdating ng kanilang baby bago ang kasal.

Nasa tamang edad na rin naman sila, at alam na nila ang kanilang magiging responsibilidad bilang mga magulang.

Aminado si Cristine na posibleng maapektuhan ang kanyang career. Nangyari na iyan sa ibang mga artistang babae na nagkaroon na rin ng anak. Naging limitado na ang assignments. Pero naniniwala naman  siya na hindi siya pababayaan ng ABS-CBN at ng kanyang management company.

Kahit pa anong dami mga indie film hindi nakatutulong sa industriya ng pelikula

Ano nga ba ang silbi sa industriya ng pelikula noong maraming ginagawa ng mga baguhang director na hindi naman nailalabas sa mga sinehan? Dahil hindi nailabas sa mga sinehan, hindi rin kilala ang pelikula kaya hirap din silang ilabas sa video. Siguro nga ang pag-asa na lang nila pagda­ting ng araw ay ang mga cable channels na kinukulang na ng pelikulang mailalabas.

May mga nagsasabi na nakakatulong din iyan sa industriya, dahil hindi man mailabas sa mga sinehan, ang mga pelikula nila ay nagagamit na parang screen test para sa mga baguhang artista. Pero kung iisipin, napakamahal na screen test naman yata iyan, at hindi rin lahat napapansin.

Nakakahinayang ang mga ganyang pelikula. Dapat sana magsosyo na lang sila at gumawa ng isang totoong pelikula kaysa riyan sa napakaraming mga amateur indie na iyan.

Male star lungkot na lungkot, ginastusang pelikula pinataob ng English film

Malungkot ang isang male star dahil nakita niya mismo sa isang sinehan na dalawang screening lang ang kanyang ginawang pelikula. At kahati pa nila ang isang English movie may screening na sa limang sinehan sa mall na iyon. Maliwanag na lampaso sila ng English film na katapat nila.

Show comments