Past 4:00 p.m. nang makarating kahapon sa St. Luke’s Medical Center The Fort si Senator Bong Revilla, Jr. at ang kanyang convoy.
Tinutukan ng media ang pag-alis ni Bong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame hanggang sa pagdating niya sa St. Luke’s.
Hindi magtatagal sa ospital si Bong dahil kailangan niya na bumalik ngayon sa Camp Crame. Hanggang 12 noon lamang ang permiso na ibinigay ng Sandiganbayan para sa kanyang overnight check up.
Sasailalim si Bong sa MRI para matukoy ang dahilan ng madalas na pananakit ng kanyang ulo.
May blood test din para ma-check ang kanyang sugar at cholesterol level.
Mel Tiangco nag-Japan para sa Magpakailanman
Absent si Mel Tiangco sa 24 Oras dahil pumunta siya sa Japan para sa taping ng two-part special ng Magpakailanman.
Kasama ni Mama Mel sa kanyang Japan trip ang production staff ng Magpakailanman at ang mga artista na tampok sa episode, sina Paolo Contis, Sunshine Dizon at Glaiza de Castro.
Ang life story ng isang kababayan natin na based sa Japan ang itatampok sa Magpakailanman. Siyempre, kapupulutan ng aral ang kanyang kuwento tulad ng ibang mga pangyayari sa tunay na buhay na tinalakay ni Mama Mel sa kanyang drama anthology.
Mga kaedaran nina Dolphy at FPJ, nag-bonding
Basta para sa ikaliligaya ng kanyang mga kasamahan sa industriya, all out si Manila City Mayor Joseph Estrada.
Ginastusan ni Papa Erap ang Senior Prom, ang reunion ng mga veteran star na ginanap sa Sampaguita Gardens noong Linggo.
Masayang-masaya si Papa Erap dahil nagkita-kita at nagkasama-sama ang mga beteranong artista na matagal nang walang communication sa isa’t isa.
Sa mga ganitong okasyon nami-miss ang presence nina Fernando Poe, Jr. at Mang Dolphy. Feel na feel ng mga beteranong artista ang pagkawala ng dalawa nang ipakita ang old clips ng kanilang mga pelikula.
Dumalo sa Senior Prom si Butch Bautista, ang tatay ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na member noon ng Lo Waist Gang.
Kahit nakaupo na siya sa wheelchair, dumalo si Butch sa reunion para makasama ang kanyang mga kaibigan sa industriya.
Ang anak na si Harlene ang nag-asikaso kay Butch na wala na ang signature bigote at ang kanyang scarf sa leeg.
Na-sight din sa Senior Prom ang original X44 star na si Tony Ferrer at si Imelda Ilanan. May nakaraan ang dalawa at sila ang mga magulang ni Maricel Laxa. Hindi pa rin nagbabago ang itsura ni Imelda dahil maganda pa rin siya.
Sayang dahil hindi nakadalo sa reunion si former Senator Ramon Revilla, Sr. na maaga nang natutulog mula nang magkaroon ng karamdaman.
Ang clip ng old movie ni Mang Ramon at ng kanyang leading lady na si Gloria Romero ang isa sa mga ipinakita sa reunion ng mga senior star.
Gulat na gulat ang mga bagets na nakapanood kay Mang Ramon dahil poging-pogi raw ito noong kabataan niya.
Guwapo at matikas naman talaga ang pangangatawan ni Mang Ramon kaya maraming girls ang nahumaling sa kanya. Hindi nga nakuha ng mga anak ni Mang Ramon ang kanyang height na lalong nagpatingkad sa pagiging mestiso niya.
Kung dumalo si Mang Ramon sa Senior Prom, malamang na naging emosyonal siya dahil nakita niya uli ang kanyang mga kaibigan sa movie industry.