Paaabutin pa ba nila ng mas matagal ang hindi pagiging aktibo ni Richard Gutierrez sa show business? Matagal na ang kanyang bakasyon at naninibago na rin ang mga fans na nasanay nang halos araw-araw siyang napapanood sa telebisyon. Tama lang iyong nagpahinga siya sandali, at alam na natin ngayon kung bakit siya nagbakasyon, pero hanggang kailan ba iyan?
Hinahanap na ng mga tao si Richard. Hindi totoong dahil marami ng ibang leading man ngayon ay hindi iyon mapupuna, kasi may sarili namang mga fans si Richard eh, at may mga roles na babagay lang sa kanya na hindi naman magagawa ng iba.
Mukhang nawiwili siya sa kanyang bakasyon, eh kasi nakaipon na naman iyan nang sapat para sa kanyang buhay, at siguro nga ubos ang kanyang panahon sa kanyang anak. Pero sayang naman dahil marami pang puwedeng kitain iyang si Richard kung haharapin lang niya ang kanyang career na kagaya noong dati.
Gov. Vi 18 years na sa pulitika, fans sabik na sa kanyang pagbabalik
Isang kilalang-kilala naming fan ni Governor Vilma Santos ang nagpadala sa amin ng personal message, at ang tanong, “gagawa pa ba ng pelikula si Ate Vi? Interesado pa ba siya sa kanyang showbiz career?”.
Kilala namin si Ate Vi. Artista iyan eh. Para sa isang artista, isa sa napakahirap nilang gawin sa kanilang buhay ay talikuran ang pagiging isang artista. Iyang pagiging isang artista ay hindi trabaho. Hindi rin iyan isang libangan. Hindi iyan basta propesyon. Papaano nga ba namin isasalin sa Tagalog, pero iyang pagiging artista, iyan ay isang “passion”.
Kung napansin ninyo, may iba nga riyan, talagang lubog na, lugmok na ang career, pero nagpipilit pa rin dahil artista sila. Hindi mo masisisi ang isang artista na pilit na ipagpatuloy pa ang kanyang propesyon. Sabihin mo mang ayaw na silang panoorin ng mga tao. Ganoon talaga ang mga tunay na artista.
Si Ate Vi, sabihin nating siguro nga nalinya siya sa pulitika noong una na ang hangad lang ay mapalakas ang political standings ng kanyang pamilya sa kanilang bayan sa Batangas. Pero dahil naglingkod nga nang tapat, noong malaunan ay ang mga tao na ang pumipilit sa kanyang magpatuloy. Hindi naman niya matatanggihan iyon dahil noong araw, pilit niyang kinuha ang pagtitiwala nila. Isipin mong manalong mayor iyong walang karanasan sa public service. Talagang tiwala lang ng tao ang nagpanalo sa kanya noong una, kaya matatalikuran ba niya ang pagtitiwalang iyon?
Iyan naman ang dahilan kung bakit nalimitahan ang kanyang pagiging isang artista. Pero ngayon, ano pa nga ba ang ipipilit nila? Nasagad na niya ang kanyang termino at nagsabi naman siya na gusto na niyang magpahinga sa pulitika. Kung mangyayari nga iyan, palagay din naman namin babalikan niya ang kanyang propesyon bilang isang aktres.
Kung titingnan mo iyong point of view ng isang movie fan, talagang nakakalungkot iyong labing walong taon siyang nalimitahan bilang isang aktres dahil sa kanyang panunungkulan sa gobyerno. Iyon ang prime time ng buhay niya, iyon sana iyong makagagawa siya ng kahit na anong role. Pero may kanya-kanyang desisyon sa buhay ang bawa’t tao, at kung fan ka ni Ate Vi, dapat unawain mo iyon.