MANILA, Philippines – Madadagdagan ang time-tested tandem ng 24 Oras na sina Mel Tiangco at Mike Enriquez dahil makakasama na nila ang veteran journalist na si Vicky Morales bilang bagong co-anchor simula bukas, Lunes.
Naging household name ang 24 Oras simula noong 2004 nang ilunsad ng GMA News and Public Affairs ang itinuturing na flagship nationwide primetime newscast ng Kapuso Network.
Ngayong Lunes din matutunghayan ang rebranding at pagbabago ng lahat ng GMA regional newscasts bilang kaisa ng 24 Oras.
Makakasama naman ni Arnold Clavio sa late-night news source na Saksi si Pia Arcangel bilang bago niyang co-anchor.
Ang seasoned broadcast journalist naman na si Connie Sison ang makakasama ni Raffy Tima bilang co-anchor sa midday newscast na Balitanghali, na napapanood araw-araw sa GMA News TV.
Ang weekend news program naman na 24 Oras Weekend ay pangungunahan pa rin nila Jiggy Manicad at Pia Arcangel, samantalang sila Mariz Umali at Jun Veneracion ang makakasama pa rin sa Balitanghali Weekend.
“These changes reflect our goal to inject a new dynamism to our newscasts, while still remaining true to our commitment to Serbisyong Totoo— the hallmark of GMA News and Public Affairs,” ayon kay Senior Vice President for News and Public Affairs Marissa L. Flores.
Mapapanood ang 24 Oras mula Lunes hanggang Biyernes pagsapit ng 6:30 ng gabi at Saksi naman tuwing 11 PM.
Samantala, ang 24 Oras Weekend ay matutunghayan simula 5:30 ng hapon tuwing Sabado at Linggo sa GMA7.
Mapapanood naman simula 11:30 ng umaga ang Balitanghali mula Lunes hanggang Biyernes habang ang Balitanghali Weekend ay nagsisimula ng alas dose ng tanghali sa GMA News TV.