Naalala sa anniversary ng Yolanda Anderson Cooper hinihintay uling bumalik ng Pinas

Gugunitain ngayon sa Tacloban City at sa ibang mga lugar sa Kabisayaan ang pagpanaw ng mga kababayan natin na binawian ng buhay dahil sa Typhoon Yolanda.

Pangungunahan ni Tacloban City Ma­yor Alfred Romualdez at ng kanyang misis na si Cristina Gonzales ang  pagda­rasal at pag-alala sa mga nagbuwis ng buhay.

Humarap ang mag-asawa sa entertainment press noong August dahil ibinalita nila ang unti-unting pagbangon ng kanilang bayan at mga kababayan.

Humanga kay Papa Alfred ang mga reporter dahil wala siyang sinabi na masama laban sa pamahalaan ni President Noynoy Aquino. Hindi rin siya nagbitaw ng pangit na salita tungkol kay DILG Secretary Mar Roxas.

Sa sobrang paghanga ng entertainment press kay Papa Alfred, hinimok nila ang mister ni Cristina na kumandidatong senador sa 2016 dahil ang mga katulad niya ang kailangan ng ating bayan.

Napa-smile lang si Papa Alfred na mas gusto yata na pagsilbihan ang mga kababayan niya sa Tacloban City.

Natatandaan ko na si Cristina ang unang personalidad na nakapanayam ng CNN.

Ikinuwento ni Cristina ang traumatic experience nila ng kanyang pamilya nang pasukin at lamunin ng tubig dagat ang kanilang bahay sa Tacloban City.

Napahiya ang mga nagsabi na walang ginawa si Papa Alfred noong kasagsagan ng bagyo dahil ipinakita ng CNN ang video footage ng pag-akyat nila sa kisame ng kanyang mga kasama para hindi sila malunod.

Kahit muntik nang ma­ma­tay, isinantabi ni Papa Alfred ang kanyang nakakatakot na karanasan dahil inuna niya ang pagtulong sa mga biktima ng Typhoon Yolanda.

Walang nakakaalam kung kailan tuluyang makakaba­ngon ang Tacloban pero patuloy lang sa pagsisilbi si Papa Alfred.

Pinaghahandaan niya at ng kanyang misis ang nalalapit na pagbisita ni Pope Francis sa Tacloban City sa January 2015.

Sobra-sobra ang pasasalamat ni Papa Alfred dahil sa pasya ng Santo Papa na personal na puntahan ang mga biktima ng Typhoon Yolanda sa Tacloban City.

Asahan natin na may mga pulitiko na magpapakitang-gilas sa pagdating ng Santo Papa sa January 2015.

Sila ang mga pulitiko na sabik sa libreng publi­city at gagawin  ang lahat para mapansin sila.

Wish ko lang, tularan nila si Papa Alfred na low profile at down-to-earth. Ibang-iba siya sa mga pulitiko na kadiri to the max ang pagiging maepal.

Isa pang wish ko na bumalik sa Pilipinas si Anderson Cooper na isa sa mga bayani ng Typhoon Yolanda.

Kung hindi dahil kay Papa Anderson, hindi malalaman ng buong mundo ang tunay na kalaga­yan ng mga lugar na sinalanta ng Typhoon Yolanda.

May mga bumatikos kay Papa Anderson pero mas marami ang nagmahal sa kanya. Active sa social media si Papa Anderson kaya nalaman  at na­ramdaman niya ang sobrang respeto at pagmamahal sa kanya ng mga Pilipino.

I’m sure, knows ni Papa Anderson na binigyan siya ng star sa Walk of Fame sa Libis dahil sa kontribusyon at tulong niya sa mga biktima ng Typhoon Yolanda.

Hindi ko makakalimutan ang kuwento ng pagbibigay ni Papa Anderson ng pera sa isang biktima na nawalan ng mga mahal sa buhay. Nadurog ang puso ni Papa Anderson nang malaman nito ang malungkot na kuwento ng buhay ng lalake na tinulungan niya.

                                    

Show comments