Puring-puri si Michelle Madrigal dahil sa magaling na pag-arte sa pelikulang Bacao. Nailarawan kasi nito nang mahusay ang karakter ni Mayet na obsessed para magkaanak at magkaroon ng malaking pamilya.
Hindi lang pala sa drama maaasahan ang aktres kundi gayundin sa aksyon dahil may alam ito sa martial arts. Sana raw ay mabigyan siya ng pagkakataong lumabas sa action films at maging Action Queen sa makabagong panahon.
Binati at malakas ang palakpakang ibinigay sa seksing aktres matapos ang premiere night ng Bacao dahil sa makatotohanan nitong pagganap. Naroon ang buong pamilya nito para sumuporta maliban sa ama na hindi nakadalo at sinabing baka hindi makayanan ang paghuhubad ng anak sa ilang eksena. Very proud naman ang nanay nitong si Karla Kalaua sa ipinakitang galing ng anak sa pag-arte.
Arnold ginawa ang lahat para maanakan si Michelle
First time ni Arnold Reyes na maging bida sa mainstream movie na Bacao bilang asawa ni Michelle. Suking-suki ito ng indie films at ng Cinemalaya..
“Lahat ng paraan ay ginawa namin ni Michelle bilang asawa ko para mabuntis lang siya. Magaan siyang katrabaho at fulfilled ako dahil maganda ang proyekto at mahusay pa ang aking kapareha,” anang aktor.
Si Arnold ay alaga ni Boy Abunda at malaki ang potensyal na maging malaking aktor kung mabibigyan lang ng tamang role.
Sa kabilang banda, sinabi ni Direk Boy Vinarao na hindi indie movie ang Bacao dahil ginastusan ang movie.
Parang nasa cloud nine din si Direk Boy Vinarao dahil iisa ang komento ng mga nanood sa premiere night ng Bacao. Maganda ang pelikula, may mahalagang mensahe at malinis na malinis ang pagkakagawa nito.
Dalawang beses na pinalakpakan ang Bacao at bago lumabas ng sinehan ay kinamayan ang director pati mga artista. Palabas na ito sa October 29 mula sa Oro de Siete Productions. Isa ito sa apat na pelikulang kasali sa Sineng Pambansa Horror Plus Film Festival.