Pinagtawanan lang ni Governor Vilma Santos ang mga tsismis na kumakalat sa Internet at pinatulan naman ng ilang media entities tungkol sa sinasabing aswang na gumagala sa Batangas, particularly sa Tanauan. Kung paniniwalaan mo ang mga kuwento, sinabihan na raw ng mga pulis sa Tanauan ang mga tao na huwag nang lalabas sa gabi dahil delikado.
Ang natatawa na lang sabi ni Ate Vi, “nakakita ako ng aswang noong ginawa ko iyong pelikula kong Darna.” Bagama’t inamin niya na nagkakaroon ng mga ganoong kuwento kahit na noong araw para lang takutin ang mga bata.
“Hindi ba noon sinasabi mismo ng mga magulang na huwag kayong gala nang gala baka makuha kayo ng aswang. At saka kung pag-aaralan mo, aywan pero naging part na iyan ng mga paniniwala ng mga matatanda dahil na rin siguro sa mga nasulat at saka iyong literature natin. Hindi lang naman sa Pilipinas iyan eh, hindi ba sa Europe din may vampire, kaya nga may Dracula sila eh.
“Dito sa atin hindi ba noong araw basta buntis kailangang bantayan dahil baka puntahan ng aswang, o naglalamay tayo kung may patay, at sa atin na lang yata ginagawa iyan. Nagsimula rin daw iyan sa paniniwalang baka iyong patay puntahan pa ng aswang at kainin. Maraming matatandang paniniwala na hindi pa nabubura hanggang ngayon. Minsan matatawa ka na lang. Natatakot naman ang mga tao, pero iyang aswang sa Batangas, hindi naman totoo iyan,” sabi pa ng gobernadora.
“Baka naman kaya ganyan malapit na kasi ang Halloween,” dugtong pa niya.
Minsan nga naman, matatawa ka na lang sa mga kuwentong maririnig mo, at nagkalat ang mga ganyan lalo na sa Internet.
“Ang problema diyan if people resort to violence. Hindi ba may mga nabalitang nabugbog, minsan may nabasa pa akong napatay dahil pinagbintangang aswang. Sana naman huwag umabot sa ganoon, kasi hindi iyon ang solusyon sa problema. Actually problema pa iyon dahil homicide pa rin ang kaso,” sabi pa ni Ate Vi.
Oo nga naman, kaya dapat matigil na iyang mga ganyang tsismis.
Kasal nina Alwyn at Jennica hindi secret?!
Inamin daw ng male starlet na si Alwyn Uytingco na ikinasal na sila ng kanyang girlfriend na si Jennica Garcia noon pang nakaraang Pebrero, pero ngayon lang nila inamin. Siguro isa rin iyon sa mga dahilan kung bakit hindi na ikinontrata ng GMA si Jennica. Mahirap mo na nga namang i-partner iyan sa iba kung may asawa na. Secret wedding lang daw iyon.
Pero mayroon ba talagang secret wedding? Kung kami ang tatanungin ay wala. Una hindi valid ang isang kasal kung walang witnesses. Sa atin ang witness ang tinatawag na ninang o ninong sa kasal. Bagama’t nasa edad na sila pareho, karaniwan na rin naman sa atin iyong kasama ang pamilya at ang mga magulang lalo na kung nagpapakasal. Eh ano ang sasabihin mong secret wedding kung ganoon karami ang mga nakakaalam? Isa pa, kailangan may isang ministro ng relihiyon, o kaya ay isang judge na magkakasal sa kanila, bukod sa kumuha sila ng lisensiya sa pagpapakasal. Ano ang secret doon?
Itinago nila sa publiko ang kasal, pero hindi secret iyon. Ngayong sinabi na nila, naging issue ba?