Pacman time-out muna sa basketball, balik-training sa boksing para sa laban nila ni Algieri

Bumalik na si Congressman Manny Pacquiao sa Ge­neral Santos City para ipagpatuloy ang boxing training niya dahil sa November 22 na ang laban nila ng American boxer na si Chris Algieri.

Lumuwas lang ng Maynila si Papa Manny para sa laban ng Kia, ang kanyang basketball team na siya ang playing coach.

Natalo ang team ni Papa Manny pero hindi ito nawawalan ng pag-asa na darating ang araw na mananalo ang KIA.

Isasantabi muna ni Papa Manny ang basketball dahil mas mahalaga na pagtuunan niya ng pansin ang boxing fight nila ni Algieri.

Balik ang kaseksihan, Jinkee ‘nagpagalaw’ uli kay Dra. Belo

Pinanood ni Jinkee Pacquiao ang basketball game ni Papa Manny bilang suporta sa kanyang asawa.

Pumayat na si Jinkee mula nang isilang niya ang youngest baby boy nila ng Pambansang Kamao.

Bumabalik na sa dati ang hugis ng katawan ni Jinkee at tiyak na may kinalaman si Dra. Vicki Belo.

Nahirapan si Jinkee sa pagsisilang sa huling anak nila ni Papa Manny kaya sinabi niya na hindi na masusundan ang bagets.

Nabubuntis si Jinkee sa tuwing natatapos ang bawat laban ni Papa Manny sa boksing pero hindi na ‘yon mangyayari dahil ayaw na niya na mabuntis uli.

Solenn pumalag sa pagkakadawit sa kaso nina Derek at ex-wife nito

Nakikiusap si Solenn Heussaff na huwag nang idamay ang kanyang pangalan sa court battle ng estranged couple na sina Derek Ramsay at Mary Christine Jolly.

May karapatan si Solenn na pumalag dahil matagal na silang hiwalay ni Derek.

Hindi pa mga artista sina Solenn at Derek nang magkaroon sila ng love affair. Marami nang nakarelasyon si Derek mula nang maghiwalay sila ni Solenn kaya unfair na kaladkarin pa ang pangalan ng dalaga sa gulo ng aktor at ng estranged wife nito.

“Natawa ako sa umpisa. Ay bakit ako kasama sa isyu? 17 lang ako noon. Wala naman ako kinalaman sa isyu na ‘yon. I’m not close to anyone of them now,” ang sey ni Solenn sa 24 Oras.

First time ni Solenn na magsalita tungkol sa isyu at believable ang kanyang explanation. Baka nga hindi niya alam na may asawa na si Derek nang maging magdyowa sila.

Mayor Joseph binantayan ang mga kumuha ng bar exam

Bumuhos kahapon ang malakas na ulan sa Quezon City na nagdulot ng baha sa maraming lugar.

Blessing in disguise na hindi umulan sa Maynila kaya hindi bumaha sa kahabaan ng España.

Kung nagkataon, magdurusa ang bar examinees na nagpunta sa UST na venue ng bar exam.

Personal na bumisita kahapon sa UST si Manila City Mayor Joseph Estrada para matiyak niya na maayos ang sitwasyon at hindi magkakaroon ng problema ang mga bar examinee.

Naka-standby sa UST area ang malalaking truck na magsasakay sa mga bar examinee, just in case na umulan at bumaha sa España. Nagkalat din ang mga pulis Maynila na nakabantay at nagpapatupad ng kapayapaan.

Eighty-eight years old ang pinakamatanda sa mga kumuha ng bar exam na gustung-gustong makapasa para magkaroon siya ng certificate bilang lawyer. Hindi pinalad ang lolo na maging abogado sa first bar exam niya noong 2012.

Andrea umaasang kakagatin ang kanyang ‘lihim’

Hoping si Andrea Torres na magugustuhan ng televiewers ang pilot episode ngayong hapon ng Ang Lihim ni Annasandra.

    Matagal na hindi nabigyan ng regular show si Andrea kaya ipinagdarasal nito na maging successful ang Annasandra para masundan pa ito. Tuwing 3:45 p.m. ang airing ng Ang Lihim ni Annasandra sa GMA 7.

Mga nakiisa sa Gabay guro walang umuwing luhaan

Very happy si PLDT Gabay Guro Chairman Chaye Cabal-Revilla dahil matagumpay na nairaos ang grand gathering kahapon ng Gabay Guro, ang tribute ng PLDT sa mga teacher na ginanap sa Mall of Asia Arena.

Kung masaya si Mama Chaye, mas maligaya ang mga guro dahil walang umuwi na luhaan at nakita pa nila ang kanilang favorite stars.

May nag-win ng house and lot, sasakyan, motorsiklo, at pang-kabuhayan showcase.

For a change, kinalimutan muna ng mga teacher ang kanilang propesyon dahil ipinakita nila na mga fan din sila.

Walang pakialam na tumili, pumalakpak, at nakisayaw ang mga guro habang nagpi-perform ang mga artista na hinahangaan nila. Talagang nilubos nila ang pagdiriwang sa buwan ng mga guro.

Si Pops Fernandez ang pinakamaaga na nag-perform sa grand gathering ng mga teacher.

   Mainit ang naging pagtanggap kay Pops ng mga guro na nagsabi na siya pa rin ang one and only Concert Queen ng bansa.

In fairness kay Toni Gonzaga, hindi naman niya tinanggap ang title ni Pops na pilit  na ibinibigay sa kanya.

At hindi dapat intrigahin ang dalawa dahil si Pops ang producer ng Celestine, ang 15th anniversary ni Toni sa MOA Arena noong Biyernes.

Idea ni Pops na i-produce ang Celestine  dahil may sampa­lataya siya sa talent ni Toni.

Dalawang araw na nagpunta si Pops sa MOA Arena, noong Friday dahil sa concert ni Toni at kahapon para sa bonggang event ng Gabay Guro.

 

Show comments