Inamin ni Direk Michael Tuviera na hindi naging isyu sa mga artista niyang sina Richard Gomez at Dennis Trillo ng Janitor ang talent fee.
Sa katunayan, diretso ang hindi nila kalakihang TF sa charity ayon sa director.
‘‘I’m very proud of the movie. This is a labor of love.
“Ginawa ko ang pelikula para talakayin ang magagandang katangian ng kapulisan kung saan ibinatay ang istorya sa isang research at lumabas na realistiko ang mga character.
“Inilalarawan ang kapulisan bilang kakampi laban sa masasamang elemento ng lipunan,” sabi ng director.
Ang Janitor ang una niyang entry sa Cinemalaya.
Palabas ang action-thriller sa mga mainstream theater sa buong bansa simula ngayong Oktubre 8.
Dennis, pinagtrabahuhan ang katawan
Hanga si Direk Mike kay Dennis Trillo sa pagiging professional at dedicated sa trabaho bukod pa sa napakagaling umarte.
Katunayan bukod sa hirap nito sa syuting, kinailangan pa itong magbawas ng timbang. Nagsimula siya ng training noong Pebrero kahit June pa ang simula ng syuting.
Ayon kay Direk Mike nailarawan ng aktor ang kanyang karakter bilang si Crisanto Espina nang buong husay.
Angelica Jones ikukuwento ang naging kapalaran sa BF
Matutunghayan ngayong Biyernes sa Love Hotline ang naging buhay ni Angelica Jones na dapat sana ay ikakasal noong nakaraang taon. Ngunit nag-back out ito. Naging maselan ang pagbubuntis niya at nadiskubreng may cyst na puwedeng makaapekto sa kalusugan ng bata.
Matinding dagok ang naranasan nang magpakasal sa iba ang nobyo.
Ano ang tunay na dahilan kung bakit hindi natuloy ang kasal? Iibig pa kaya si Angelica? Yan ang bibigyang kasagutan ni Jean Garcia at love expert na si Shielo Tan sa totoong kuwento ng pag-ibig sa Love Hotline ngayong Biyernes 4:15 ng hapon sa GMA 7.