Sa nangyayaring pagpapalitan nila ng statements ng babaeng kanyang pinakasalan, palagay namin matagal pa nga bago magkaroon ng katapusan ang mga usapin tungkol kay Derek Ramsay. Bagama’t nananatiling positibo ang pagtanggap kay Derek ng karamihan sa show business, ang patuloy na pagkalat ng mga nakakasirang statements laban sa kanya ay posibleng magkaroon din ng masamang epekto in the long run.
Palagay namin nagsikap din naman si Derek na ayusin ang problemang iyan, kaya lang siguro ang tingin niya ay sobra naman ang demands sa kanya. Hindi namin alam kung ganoon nga pero ang naunang kumalat ay hinihingan siya ng mahigit na apatnapung milyong piso para sa suporta sa kanyang anak hanggang sa matapos iyon ng kolehiyo. At papaano nga naman kung magkaroon ng mga pangyayaring hindi naman makatapos iyon ng kolehiyo?
Mas maganda pa nga siguro kung sasampa na ang kasong iyan sa korte. Kasi, oras na sumampa na iyan sa korte, ni isa sa kanila ay hindi na maaaring maglabas ng mga ganyang bagay sa media. Kung hindi, maaari silang sampalin ng korte ng contempt. Kung anuman ang magiging usapan nila ay sa korte na lamang iyon, at ang bawa’t sabihin ay susumpaan. Ibig sabihin kung may magsinungaling, maliwanag na perjury iyon.
Maliwanag din namang masusuri ng hukuman kung ang hinihingi kay Derek ay makatwiran nga. Masusuri rin naman kung ang gustong ibigay na suporta ni Derek ay makatwiran din. At saka lamang gagawa ang korte ng ruling sa support. Palagay namin kung ano ang kalalabasan ng hatol ng korte ay makatwiran din naman.
Mga labi ng ina nina Raymart NA si Cielito, na-cremate agad
Si Raymart Santiago ang unang gumawa ng announcement ng pagpanaw ng kanilang inang si Cielito Legaspi Santiago. Ermat din siya nina Rowell, Randy, at Reily na kung tawagin namin ay Junjun, dahil junior nga siya ng tatay nilang si Direk Pablo Santiago, Sr.
Isang dating aktres noong kanyang panahon si Mommy Ling, pero nang pakasalan nga ni Direk Pablo at magkaroon ng anak, pinili niya ang mas matahimik na buhay. Naging full time wife siya ni direk at ermat sa kanyang mga anak.
Maski na ang mga fans ng tatlo niyang anak na artista ay nagsasabing mahusay ang pakikitungo sa kanila ni Mommy Ling, kaya tiyak na marami ang makaka-miss sa kanya. Pumanaw siya dahil sa kumplikasyon sa pneumonia matapos ang matagal din namang pananatili sa ospital. Mabilis siyang na-cremate at noong mga kasunod na araw ay nagkaroon din ng pagkakataon ang mga gustong magbigay pugay sa kanya sa La Salle Greenhills Chapel.
Gusto naming lahat dito sa Pang-Masa (PM) na ipaabot din ang aming pakikiramay sa kanilang pamilya.
Wala pa sa kalahati ang nanood, pelikulang palaban hindi pa rin pumik-up
Natawa kami sa post ng aming kasamang kolumnistang si Roland Lerum. Nanood daw siya ng sine at 21 lang sila sa loob. Marami pa nga iyan ha, naranasan namin iyong pito lang kami sa loob ng sinehan. Lumabas pa kami dahil corny na, kaya anim lang ang nagtiyaga. Napakahirap talagang itago ang katotohanan basta flop ang isang pelikula.