Onemig nahihirapang maging single parent!
Nakakagulat nga ang pag-amin ng dating matinee idol na si Onemig Bondoc na nalulong pala ito sa ipinagbabawal na gamot bago siya magretiro sa showbiz noong 2006.
Ang pag-amin na ito ay ginawa niya sa programang Power House ng GMA NewsTV na umere three weeks ago.
Nakilala si Onemig noong 1995 bilang si JM sa hit teen-oriented series ng GMA-7 na TGIS (Thank God It’s Sabado) kung saan kasabay niyang sumikat sina Angelu de Leon, Bobby Andrews, Raven Villanueva, Michael Flores, at Red Sternberg.
Ayon pa sa 37-year-old teen star na kahit alam niyang mali ay ginawa pa rin niyang gumamit ng pinagbabawal na droga.
Tatlong buwan nga raw nalulong si Onemig sa kanyang masamang bisyo na nagawa niyang maitago sa mga taong malapit sa kanya at sa mga katrabaho niya. Pero kinailangan na niyang tapusin ang bisyo na ito dahil ayaw niyang sirain ang buhay niya.
Pero dumating na raw sa puntong apektado na raw ang kanyang mga trabaho dahil sa araw-araw niya ng paggamit ng droga.
“Nagkaroon ako ng sariling mundo na hindi alam ng maraming taong nasa paligid ko.
“Tinapos ko na siya kaagad. One day pagkagising ko, I decided to stop it na.
“Kasi naisip ko na masisira lang ang buhay ko. Gusto kong magkaroon ng pamilya. I want to have kids.
“Nahiya ako sa parents ko kasi hindi naman nila ako pinalaki ng gano’n. Naisip ko nga na my parents gave me everything—lahat ng kailangan ko kahit na hindi ko hilingin, binibigay nila. Tapos gano’n pa ang gagawin ko?
“So I had to fix my life. Ayoko ng gano’ng klaseng buhay. Bakit ako nagse-self destruct? I had so much blessing. Hindi tama ‘yon. Hindi ito si Onemig na gusto kong maging.”
Iniwan na ni Onemig ang showbiz at bumalik sa pag-aaral. Tumulong siya sa kanilang family business na isang real estate company.
After 11 years sa showbiz, nag-decide si Onemig na magretiro na sa industriya dahil gusto niyang maiba na ang kanyang mundo.
Sa ngayon ay mag-isang pinapalaki ni Onemig ang kanyang dalawang anak na sina Armelle at Antoine dahil naghiwalay na sila ng kanyang misis na si Valerie Bariou.
Mahirap daw maging isang single parent pero lahat daw ay gagawin ni Onemig para sa magandang kinabukasan ng kanyang mga anak.
Tila walang balak bumalik sa showbiz ni Onemig, hindi tulad ng ibang kasamahan niya sa TGIS na aktibo pa rin. Naka-focus siya sa pag-develop ng kanilang real estate company na La Cumbre Land at may malalaking projects sila sa Palawan at Cavite.
Aktibo rin si Onemig sa sports at sumasali siya sa mga duathlon at triathlon events. Ito raw ang naging kapalit dahil sa pagtalikod niya sa droga at clean living na siya ngayon.
Direk Dom namangha sa mga sundalo
Lalong bumilib ang director ng GMA teleserye na Hiram na Alaala na si Dominic Zapata sa ating mga sundalo na handang ibuwis ang kanilang buhay para sa ating bansa.
Pakiramdam ni Direk Dom na napakaliit ng kanyang ginagawa kumpara sa mga sundalong ito na 24-hours a day at 7 days a week ang pagbabantay sa seguridad ng Pilipinas.
“Nasaksihan namin during the taping ang mga usual na routine nila. These soldiers, they don’t sleep, they don’t eat and they seldom see their families. Pero wala kang maririnig na reklamo sa kanila.
“All of that dahil gusto mong maging safe ang maraming Filipino, that deserves more than just an applause. They deserve more kaya itong ginagawa naming teleserye ay dedicated sa kanilang kabayanihan,” emosyonal na pahayag pa ni Direk Dom.
Sa isang taping daw nila, may nakabantay na top-rank official para makita kung tama ba ang ginagawa nilang paglahad ng mga nangyayari sa loob ng barracks ng mga sundalo.
- Latest