Dennis, sasabak sa skydiving, tatalon ng 5,000 ft.

Naiibang karakter ang gagampanan ni Dennis Trillo sa Hiram na Alaala bilang isang sundalo na makikipaglaban sa mga rebelde.

Nakausap namin ang direktor na si Dominic Zapata at sinabing ang teleserye ay isang malaking challenge dahil naiiba ang istorya nito.

Hanga si Direk kay Dennis na gaganap bilang Ivan Legaspi dahil may eksena itong peligroso kung saan sasabak siya sa skydiving at tatalon ng 5,000 ft.

Sinabi pa ng aktor na wala siyang ’di gagawin kahit peligroso ang eksena basta’t mapaganda lang ito. Para makatiyak, kumuha pa sila ng insurance.

May constant consultation si Direk sa mga colonel sa pagka-conduct ng military scenes.

Kinunan ang Hiram na Alaala sa Tanay, Baguio at Fort Bonifacio kaya talagang big-budgeted ang teleserye.

Ito ang papalit sa Ang Dalawang Mrs. Real at ipapalabas sa September 22 sa GMA 7.

Ayon kay Direk Dominic, hindi lang si Dennis ang maaasahan sa pag-arte kundi gayundin si Rocco Nacino. Mahusay nitong nailalarawan ang iba’t ibang emosyon sa mga eksena nila.

Gagampanan ni Rocco ang karakter ni Joseph Corpuz na kaibigang matalik ni Ivan na gagampanan naman ni Dennis.

Sa kabilang banda, sinabi ni Direk na wala siyang problema sa iba pa niyang artista na sina Lauren Young at Kris Bernal dahil magagaling din silang umarte at wala silang daigan o sapawan na nangyayari.

Show comments