Musika ng Eraserheads, bibida sa trenderas ng TV5
MANILA, Philippines - Isang bongga at libreng pa-concert ang hatid ng TV5 sa pilot episode ng kanilang pinakabagong musical-comedy drama seryeng Trenderas ngayong Sabado (Setyembre 13), ng 9:00 p.m. Tampok dito ang iba’t ibang sikat na mga OPM hits na tinangkilik ng sambayanan – kabilang siyempre ang tanyag na musika ng pinakamamahal na bandang Eraserheads, kasama rin ang ibang mga OPM icons na APO Hiking Society, Aegis, at marami pang iba.
At sa isang pambihirang pagkakataon, muli ring mapapanood ang pag-perform sa entablado ng dating miyembro ng Eraserheads na si Raimund Marasigan! Makakasama ni Raimund sa isang kapana-panabik na musical number ang tatlong dalagang bituin ng Trenderas na sina Isabelle De Leon (bilang Isabelle), Katrina ‘Suklay Diva’ Velarde (bilang Diva), at Lara Maigue (bilang Lara).
Kaabang-abang din ang special role ni Raimund sa programa bilang isa sa mga hurado sa singing competition na The Next Pinoy Pop Icon, kung saan kabilang sa daan-daang nag-audition ang tatlong dalagang bida ng programa. Makikipag-sabayan din kay Raimund bilang mga kapwa hurado ang dalawang bigatin at kilalang OPM artists na sina Cooky Chua at ang singer-songwriter na si Ogie Alcasid.
Siguradong makikikanta at hinding-hindi malilimutan ng mga manonood ang iba’t ibang mga musical performance ng bawat cast member sa pilot episode, kung saan tampok ang mga kakaibang rendition nila sa mga OPM hits tulad ng Minsan (ng Eraserheads), Saan Na Nga Ba ang Barkada (Apo Hiking Society), Luha (Aegis), Beer (Itchyworms), Ako Ang Nagwagi (Dulce), at Dito Ba (Kuh Ledesma).
Makisaya, makiisa at tutukan ang pagbangon muli ng OPM music hatid ng mala-concert na special pilot episode ng Trenderas, na ipapalabas na ngayong Sabado (Setyembre 13) ng 9:00 p.m. sa TV5.
- Latest