Ngayon sinasabi na ni Robin Padilla na enjoy siya bilang host ng Talentadong Pinoy. Noong una kasi, ni ayaw niyang sabihing host nga siya ng show. Ang sinasabi niya, ang host talaga sina Mariel Rodriguez-Padilla at Tuesday Vargas, at siya ay naroroon lang para sumali sa show. Siguro noong una kasi, hindi niya alam talaga kung ano ang magagawa niya sa show. Mahirap naman talagang palitan ang sistema at style ng hosting na ginawa sa show na iyon na siyang talagang dating flagship ng network. Pero noong makapag-taping na siya, at mailabas na ang kanyang ginawa, at siguro nakita niya na maganda ang pagtanggap sa kanya ng publiko, ngayon nasasabi na niyang host nga siya.
Ganoon naman talaga ang mga artista eh, lalo na nga iyong umabot na sa kalagayan ni Robin ang status. Hindi naman kasi basta-bastang artista si Robin. Aminin natin na dati isa siya sa pinakamalaking money-maker ng industriya. Aminin din naman natin na noong sumabak siya sa telebisyon talagang nailampaso niya ang lahat ng mga kalabang shows. Pana-panahon iyan at depende siyempre sa mga project na ginagawa ng isang artista, pero basta ang artista ay umabot na sa ganoong status, ingat na iyan sa lahat nang ginagawa niya.
Halimbawa, nang pasukin ni Robin ang Talentadong Pinoy, isang malaking sugal iyan. Gusto siya ng tao bilang action star, tapos sasabak siya sa hosting ng talent show? Natural gusto muna niyang testingin kung ano ba ang magiging pagtanggap sa kanya ng publiko.
Ngayong maganda nga ang naging resulta, at hindi naman maikakailang marami ang nanonood ng show na iyon hindi lamang dahil sa mga talentado kagaya ng kanyang inaasahan, kung ‘di dahil na rin sa kanyang performance bilang host, malakas na ang loob ni Robin na sabihing host nga siya ng show.
MTRCB paulit-ulit lang ang parusa kay Vice Ganda, wala namang nangyayari
Nagsalita na naman ang MTRCB, hindi raw dapat pinanonood ng mga kabataan ang show ng kumedyanteng si Jose Mari Viceral a.k.a Vice Ganda. Hindi rin daw dapat na hayaan ang mga pagbibiro niyang nakakainsulto at kadalasan ay may double meaning kahit na sa kanyang noontime show. Inutusan na naman ng MTRCB si Viceral, kasama ng mga producer at staff ng kanyang show na sumailalim sa isang seminar.
Pero ilang beses na bang sinabihan iyang si Viceral na ang kanyang mga joke, ok lang sa mga sing along bar na kanyang pinagmulan at hindi nababagay sa telebisyon. Ilang beses na ba siyang sinita ng MTRCB. May nangyari ba? Maliwanag na hindi naman sila pinakikinggan.
Papaano nila masasabing hindi dapat manood ang mga menor de edad sa mga shows ni Viceral? Papaano nila mapipigil ang mga bata na buksan ang TV sa kanilang bahay? Kung ganyan lang ang gagawin ng MTRCB, inutil sila. Wala ring mangyayari. Paulit-ulit lang ‘yan.