Talagang nakalulungkot din kung iisipin na matapos na magpakita ng pagbabago sa kanyang buhay, at kung kailan parang nakakabalik na si Dennis Roldan dahil may mga ginagawa na siyang mga teleserye, at saka naman bumaba ang hatol ng hukuman na nagsasabing napatunayan, beyond reasonable doubt na siya nga ay sangkot at sinasabing utak pa sa pagkidnap sa isang batang Tsino.
Matagal na nakulong si Dennis matapos hulihin dahil sa kasong iyon, pero dahil sinasabi nga noong una na mahina naman ang mga ebidensiya, pinayagan siyang makapagpiyansa. Sinasabi naman ni Dennis na ang pagkakakulong niya noon ay parang nakabuti rin sa kanya, dahil habang nakakulong nga siya ay saka naman niya natuklasan ang pakikipagrelasyon sa Diyos. Matapos na makalabas sa kulungan, maliban sa pagiging isang artista, si Dennis ay pastor din ng isang relihiyong protestante.
Pero ang pagpapapyansa ay pansamantalang kalayaan lamang, at matapos ngang ibaba ang hatol sa kanya na reclusion perpetua, o habambuhay na pagkabilanggo, makukulong siya ng 40 taon nang walang aasahang parole, kaya agad siyang dinala sa Muntinlupa. Si Dennis ay mahigit nang limampung taon ngayon, ibig sabihin kailangang manatili siyang nakakulong hanggang sa umabot siya ng 90 taong gulang. Pero may mga pagkakataon ngang basta ang isang bilanggo ay umabot na sa edad na 70, at maganda ang kanilang record, nabibigyan sila ng presidential pardon. Prerogative iyan ng presidente pagdating ng panahong iyon.
Pero siyempre hindi pa naman tapos ang laban. Agad din namang iniapela ni Dennis at ng kanyang mga abugado ang naging hatol sa kanya sa Court of Appeals.
Iyong kanyang pagiging artista, tiyak na bitin. Iyong ginagawa niyang teleserye, bitin din. Iyong kanyang pagiging isang pastor, maitutuloy naman niya iyon habang nasa loob siya ng kulungan. Maaari siyang mangaral at makatulong sa mga kasama niya roon.
Sa mga nakikiuso babala ng mga doktor pagbubuhos ng may yelong tubig nakakaatake sa puso
Lahat halos ng mga artista at sikat na personality, hinamon at tumanggap na ng hamon noong ice bucket challenge. Uso eh, at marami ang nakikiuso. Pero bago ninyo gawin iyan, mag-isip kayo. Sinasabi na ng mga doctor na iyan ay maaaring magdulot ng pagkahilo, pagkahimatay, o atake sa puso. Hindi lang sa mga may sakit at matatanda bawal iyan. Hindi mo masasabi kung ano ang biglang epekto niyan kahit na malusog pa ang iyong katawan.