Hindi pa aware ang batang si Lyca Gairanod na sikat na siya. Kaya nagtataka ang bagets kung bakit marami ang lumalapit sa kanya para magpa-picture pagkatapos manalo sa katatapos na The Voice Kids ng ABS-CBN.
Tulad nang pagkaguluhan siya last Tuesday pagkatapos niyang mag-perform sa media launch ng Give Me 5 para sa 5th anniversary celebration ng Resorts World Manila (RWM) na gaganapin sa Aug. 28, Thursday next week.
Puro laro pa rin kasi ang nasa isip ng 9 years old na si Lyca na walang ginawa kundi tumakbo at magtago sa wall curtain ng Genting Club ng RWM na ginawa niyang playground, kaya pati ang PA niya ay lumusot din sa kurtina sa kahahanap sa kanya.
Nakatira pa rin si Lyca at ang pamilya nito sa tabi ng dagat sa Aplaya sa may Tanza, Amaya Cavite, dahil hindi pa naibibigay ang premyo niyang condo unit at ang cash prize na P1M.
Natawa ito sa tanong kung marami na siyang pera ngayon pero consistent sa pagsagot si Lyca na ibibili niya ang mga kapatid niya ng mga laruan at damit.
Pang lima si Lyca sa walong magkakapatid at pag-aaralin nito ang magkasunod nilang panganay, ang Ate niyang 18 years old at Kuya nito na 17 years old na parehong nasa grade two pa lang. Sinigurado naman ni Nanay Maria Nessel niya na mag-aaral uli si Lyca, pero sa home schooling muna ngayon dahil sa rami na nitong show at guesting kung saan dito sila kumukuha ng panggastos sa araw-araw. Hatid-sundo naman si Lyca mula Tanza kasama ang nanay at tatay nito na sumasama sa mga guesting o show niya kapag hindi ito nangingisda.
Sinisimulan na rin ang kanyang album under MCA Music kung saan nakakontrata ang The Voice Kids top 4. Nag-aaral na rin ng Ingles na mga kanta si Lyca tulad ng kinanta nila ni Sarah Geronimo na Rolling in the Deep sa ASAP para hindi raw siya apihin ng ibang pumipintas sa kanya na hindi siya marunong kumanta ng foreign songs. Paghahanda na rin ito para sa batang singer dahil inaayos na rin ang show nila ng ibang winners ng The Voice Kids sa abroad.
At kasama na rin siya sa seryeng Hawak Kamay na pinagbibidahan ni Piolo Pascual. Balitang mag-uumpisa na siyang mag-taping.
Samantala, isa sa pambato ng Resorts World anniversary si Lyca na dinarayo dahil sa non-stop entertainment sa tourist destination na may kick off party na tinawag na Rockin 5 na gagawin sa Aug. 28 Thursday sa Plaza ng RWM.
Kasama sa magpi-perform ni Lyca ay ang X Factor finalist na si Mark Mabasa, The Voice Kids finalists na sina Darren Espanto, Juan Karlos Labajo, at Darlene Vibares.
Susundan pa ito ng world-class events sa September na may stage play na Noli Me Tangere (Touch Me Not) The Opera tampok ang music at libretto ng Philippine National Artists Felipe De Leon at Guillermo Tolentino sa direksyon ni Freddie Santos.