Dahil sa hipon, komedyanteng si Ramon Bautista nanganganib mawalan ng career

Minsan, mahirap iyong basta magbiro rin ng kung anu-ano sa audience nang hindi naman pinag-iisipan. Minsan din kailangang alam mo kung ano ang maaaring ipakahulugan ng mga tao sa sinasabi mo. Maraming mga salita ngayon na nagkakaroon ng ibang kahulugan.

Isang salita, iyong “hipon” ay hindi nangangahulugan lang na pagkaing dagat na masarap. Sa pagdaan ng panahon, iyan ay nabigyan na ng ibang kahulugan, lalo na ng mga mahihilig sa Internet. Basta sinabing “hipon” na seafood, ay masarap iyan. Pero basta ang isang tao ang sinabi mong “hipon” hindi na maganda ang kahulugan niyan. Kasi sa ngayon, sinasabi nilang basta ang isang tao ay tinawag na “hipon” ang ibig sabihin noon ay “maganda ang katawan pero pangit ang mukha.”

Iyon ang pagkakamali ng komedyanteng si Ramon Bautista. Dumayo siya sa Davao para sa isang show, kasabay ng kanilang Kadayawan Festival. Aywan kung ano ang pumasok sa isip niya at sinabi niyang maraming babae sa Davao na “hipon”. Aba siyempre umalma ang mga taga-Davao. Insulto iyon sa kanilang mga kababaihan. Nag-react maging ang mga local officials sa Davao sa sinabi niyang iyon, at inulan siya ng katakut-takot na boo mula sa mga audience.

May mga opisyal pang nag-post sa kanilang social networking account na si Ramon Bautista ay dapat na ideklarang “persona non grata” ng Davao.

Napanood din namin ang video na naka-post sa Internet kung saan nagso-sorry siya sa mga taga-Davao, pero kahit na ano pa ang sabihin niya na mahal niya ang Davao, maririnig mo naman sa video ang lakas ng sigawan ng boo, kahit na noong bumaba na siya sa stage.

Natatandaan namin ang sinasabi ng isang kinikilalang komedyante noong araw na masuwerteng inabot pa namin at nakausap, si Mang Nano Contreras, na lalong kilala sa tawag na Pugo. Sabi ni Mang Nano noon sa amin, “you can make fun of anyone, but not your audience.” Tama siya, kahit na sino pa ang paglaruan mo para makapagpatawa, ok lang. Pero isang malaking pagkakamali kung ang pagtatawanan mo ay ang audience na nanonood sa iyo. Basta ginawa mo iyon, suwerte mo na kung makababa ka sa stage nang wala kahit na kutos man lang.

Jobert wala sa huwIsyo nang maglambitin sa motel

Ano ba naman itong mga komedyante ng ABS-CBN. Iyong isa naman, hindi ba nagtangkang magpakamatay doon sa sixth floor ng isang hotel sa Quezon Avenue. Kinilala iyong si Jobert Austria na kasama sa isa nilang gag show. Ayon sa kanya mismo, may nagbabanta raw na patayin siya. Kung may nagbabanta nga bang patayin siya, bakit iisipin naman niyang magpakamatay? Kagaya nga ng sabi naming kailangan ang mas malalim na imbestigasyon diyan.

Lumabas na ang initial report ng imbestigasyon. Doon mismo sa loob ng kuwarto ng hotel na kung saan pumasok si Austria ay may mga nakuhang balutan na hinihinalang lalagyan ng shabu. Ibig sabihin, sabog si Austria nang magtangka siyang magpaka­matay. Iyan ang masamang epekto ng droga.

Mabuti pa ang lasing lang eh. Ma­aaring magwala, mang-away, o kahit na sampalin pa ang ibang tao, pero hindi nagpapakamatay. Hindi lumilikha ng ganyang kalaking iskandalo, kaya nga naide-deny pa nila eh. Eh iyan, kumalat pa ang video noong naglalambitin siya sa bintana ng hotel, nakakahiya.

Komedyante consistent na hindi nakakatawa ang mga show

Isa pang kumedyante ang nagwawala raw dahil sa inalisan na siya ng mga shows, kasi naman lahat nang ginawa niya ay walang naging ratings. Pero hindi mo naman masisisi ang komedyante kung bakit bagsak ang shows eh. Maganda ba ang content? Ok ba sa comedy ang mga kasama niya?

 

Show comments