Batang ipina-ampon, pwede pa bang bawiin ng tunay na magulang?
MANILA, Philippines - Gaganap na mapagmahal na ina si Vina Morales (Dra. Caren) sa ampon niyang si Luis (Raikko Mateo), isang batang hindi makapaglakad dahil sa sakit na polyo, sa Ipaglaban Mo ngayong Sabado (Agosto 16).
Si Luis ay iniwan ng tunay niyang ina na si Lisa (Desiree del Valle) sa ospital na pagmamay-ari ng pamilya ni Dra.Caren matapos ipinanganak dahil sa kalagayan nito.
Masaya na sanang namumuhay bilang mag-ina sina Dra. Caren at Luis nang bumalik si Lisa makalipas ang limang taon para bawiin ang bata. Ngunit hindi pumayag si Dra. Caren dahil lubos na itong napamahal sa kanya. Itinuring niya na ito bilang kadugo kaya naman humantong sa demandahan ang pag-aagawan ng dalawang ina ni Luis.
Sino kina Dra. Caren at Lisa ang mas may karapatan kay Luis --- ang inang nagsilang o ang inang nag-aruga?
Bahagi rin ng episode na pinamagatang Ako Ang Iyong Ina na idinerehe ni Claudio Sanchez-Mariscal IV sina Tutti Caringal, Carla Martinez, at Johnny Revilla.
Regine bibisita sa PM
Ngayong Sabado (Agosto 9) sa Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento, isang matinding singing showdown ang mangyayari sa pagitan ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid at Kapuso singer na si Jessa Zaragoza na gaganap bilang Marissa at Deedee.
Nang mapansin ni Deedee na unti-unting tumatamlay ang kanyang singing career, magrereklamo siya sa kanyang manager na si Tommy (Ronnie Henares). Ang paliwanag naman ni Tommy ay mahirap daw hanapan ng singing gig si Deedee dahil hindi na gusto ng henerasyon ngayon ang kanyang klase ng musika.
Pero ang totoo ay mayroong bagong talent si Tommy na si Marissa, ang biritera. Abala siya sa pag-aasikaso sa career nito kaya nakakalimutan na niyang hanapan ng singing gig si Deedee. Dahil dito, magkakaroon ng isang makapigil-hiningang singing battle sa pagitan ng dalawa.
Samantala, napapansin ni Pepito (Michael V.) na nahihilig na ang kanyang pamilya sa panonood ng Korean drama na Miracle in Cell No. 7. Hindi sila nagsasawang ulit-ulitin ang panonood nito kaya naman walang-tigil ang pagbaha ng luha sa kanilang mansyon.
- Latest