Masaya iyong naging kuwentuhan namin ng tatlong supporters ni Ate Vi na sina Willie Fernandez, Dhoc Ronnie Orig Gan, at Rene Juario Novisteros. Marami kaming napag-usapan tungkol sa itinatakbo ng career ng gobernadora. Sila mismo ay nagsabing nami-miss na nila iyong panahong madalas nilang napapanood ang mga pelikula ni Ate Vi, iyong linggu-linggo siyang napapanood sa telebisyon at marami pang iba. Lahat iyan ay natigil noong pumasok si Ate Vi sa pulitika 17 taon na ang nakararaan.
Oo, may ginagawa pa rin naman siyang mga pelikula, at may sisimulan na naman siyang bago. Pero sa palagay nga ng kanyang fans, parang kulang ang lahat ng iyon. Parang hindi na nga kasi kagaya noong dati. Pero nai-intindihan naman nila ang sitwasyon ni Ate Vi at sinasabing kung pagkatapos ng kanyang term bilang gobernador ng Batangas ay hindi pa rin siya magbalik sa showbiz, at magpatuloy pa sa mas mataas na posisyon, susuporta pa rin silang kagaya ng dati.
Hinahanap pa rin kasi nila iyong panahong mayroon pang mga kumpetisyon ng mga artista, pero sa ngayon nga ay wala na iyon. Ano pa nga bang kumpetisyon ang hahanapin nila ngayon para kay Vilma Santos sa show business? Kahit na batang maliit tanungin mo kung kilala si Vilma Santos, sasabihin sa iyo ay oo. Hindi naman nangyayari sa kanya iyong nai-snob siya dahil hindi na siya kilala.
Ang maganda pa kay Ate Vi, alam niya na ang mga pelikulang kailangan niyang gawin kung may time rin lang siya, ay iyong pelikulang tatangkilikin ng masa. Kasi kung kumikita ang pelikula ng isang artista, kasiguruhan iyon na magpapatuloy ang industriya at magkakaroon ng trabaho hindi lang siya kung ‘di pati ang mga maliliit na manggagawa sa pelikula. Eh kung ang gagawin mong pelikula puro award, tapos nalulugi naman, darating at darating ang araw mawalala na ang mga producer na mamumuhunan. Papaano na ang industriya? Papaano na ang mga manggagawa? Ano iyon magtitinda na lang sila ng puto? Malabong sitwasyon naman iyon. Kaya nga dapat box-office muna ang isipin.
Maski naman ang trabaho namin ay apektado. Noong nagkaroon ng krisis sa industriya ng pelikula, wala nang masyadong sikat na artista, at ang mga sikat na artista halos araw-araw nang nakikita sa telebisyon, napilitang isara ang lahat ng movie magazines. Nawala na rin kasi ang fans na bumibili noon eh. Kailangan talaga may isang artistang hahabulin ulit ng masa. Pero sino iyon?
Sana nga mag-showbiz na lang ulit si Ate Vi.
Stage play mas pinipilahan kesa sa ibang indie film
Ngayong tapos na iyang festival ng mga pelikulang indie, tingnan natin. Ilan kaya sa mga iyan ang mailalabas sa commercial theaters? Ilan kaya sa mga iyan ang ilalabas sa mga sinehan kahit na doon lang sa maliliit? Ang daming ginagawang pelikula sa Pilipinas, kaya nga lang hindi inilalabas sa mga sinehan. Ayaw tanggapin ng mga sinehan dahil nalulugi lang sila. Minsan nga raw, pitong beses nang pinapatugtog ang Lupang Hinirang wala pa ring pumapasok eh.
Mabuti pang ‘di hamak iyong mga stage play. Nadaanan namin doon sa isang mall sa North EDSA na inilalabas iyong musical na Filipinas 1941. Ang haba ng pila ng mga estudyante. ‘Di hamak na mas kumikita pa iyan kaysa sa mga indie film.
Aktres humagulgol nang malamang bagsak ang kanyang programa
Cry me a river ang drama ng isang female star nang malaman niya ang katotohanan na walang rating ang kanyang ginagawang daily program sa telebisyon. Ang akala pa naman niya napaka-effective niya, iyon pala wala rin siyang binatbat.