Malutong na murahan hindi malimutan sa Sundalong Kanin!

MANILA, Philippines - Namumutiktik sa murahan. ‘Yan ang hindi malilimutan ng mga manonood ng Sundalong Kanin, ang entry ni direk Ja­nice O’Hara para sa New Breed Ca­tegory ng Cinemalaya X. Kahit mga bata ang bida sa pelikulang ito, talaga namang namumutiktik ang pagmumura ng mga karakter nina Marc Abaya (bilang Tonyo) at Paolo O’Hara (bise-alkalde ng San Nicolas). Maku-culture shock ka naman sa pagmumura rin ng mga bagets na character sa pelikulang ito.

Ang Sundalong Kanin ay istorya ng apat na magkakaibigang sina Nitoy (Nathaniel Niño Britt), bunsong kapatid na si Benny (Isaac Cain Tangonan), Badong (Elijah Canlas), at Carding (Akira Morishita). Gustong patunayan ng mga kabataang ito na matanda na sila at kaya na nilang lumaban para sa bayan. Sinubok nilang sumanib sa mga guerilla na kinabibila­ngan ng kuya nila Nitoy at Benny na si Ruben (Enzo Pineda), pero nabigo ang apat at sinabihan lang silang mga “sundalong kanin” – mga sundalong pulpol na umuubos lamang ng pagkain.

Hindi matatawaran ang pagganap ni Marc Abaya bilang dating janitor na la­ging inaapi ng bise alkalde. Sobrang galing niyang umarte at damang dama mo ang karakter niya lalo na nang mabaligtad ang sitwasyon at siya na ang nagkaroon ng kapangyarihan. Maayos naman ang pagganap ni Enzo ngunit kapansin-pansin na masyadong maamo ang kanyang mukha para maging isang guerilla. Ikalawang pelikula na niya ito matapos ang Basement ng GMA Films, pero unang salang ito ng aktor sa indie.

Basta watch n’yo na lang ang movie at magugulantang kayo sa mga pinaggagagawa ng mga batang bida. Kasama rin dito sina Ian de Leon, Via Veloso, Art Acuna, Daniel Balois, Che Ramos-Cosio, Diana Alferez, Regina de Vera, Rania Delamar, at Angelo Martinez. Mapapanood ang Sundalong Kanin hanggang sa Aug. 10. Ang Gala Night ay mamayang alas-6:15 ng gabi sa CCP Main Theater. Bisitahin ang www.cinemalaya.org para sa iba pang impormas­yon at kasali sa Cinemalaya X Film Festival. 

Show comments