Akala namin ay talagang dedma na lang si Paolo Bediones sa kumakalat niyang sex video, pero hiningi na pala niya ang tulong ng PNP para mag-imbestiga kung sino ang may kagagawan at maparusahan sa ilalim ng batas. Nakatanggap pa raw kasi siya ng sulat na nagsasabing may iba pang video na ikakalat nila kung hindi makikipag-usap si Paolo sa kanila. Ibig sabihin maliwanag na blackmail.
Talaga namang iyong mga nagkakalat ng ganyan, ang unang motibo ay blackmail. Magpapagod ba ang mga iyan kung hindi nila mapeperahan ang mga biktima? May makukuha ba sila kung ang ikakalat nilang video ay iyong kagaya lang ni Mang Kanor?
Pero dapat maging leksiyon na rin iyan sa lahat. Huwag na kayong gagawa ng mga bagay na maaaring ikapahamak ninyo. Kung hindi kayo gumagawa ng ganyang video, may mailalabas ba sila? Hindi nga namin maintindihan ang mga tao ngayon eh. Bago kumain, kinukunan pa ng picture ang pagkain niya tapos ilalabas sa social networking site. Makikipag-sex lang kukunan pa ng video. Eh kung may mag-upload kagaya nga niyan? Tatakbo sila sa NBI o sa PNP. Gagastos pa ng pera ng bayan dahil lamang sa isang katuwaan.
Dapat talaga piliin natin ang mapagkakatuwaan natin.
Walang sikreto sa balat, Solenn ‘di mahilig mag-make-up
Dumating nang walang make-up si Solenn Heusaff doon sa kanyang launching bilang pinakabagong endorser ng Calayan Surgicenter.
Siguro nga maganda ang ginawa niyang iyon para maipakita kung gaano kaganda ang kanyang skin kahit na wala siyang make-up. May mga artista naman tayong talagang make-up lang ang nagdadala.
Pero si Solenn, sinasabi nga niyang talagang hindi siya mahilig sa make-up, at kaya lang siya natuto niyan ay noong pumasok na siya sa show business. Inamin din naman niya na natural ang lahat sa kanya, wala siyang ginagawang skin care noong araw kahit na facial lang. Eh noong pumasok na nga siya sa show business, kailangan na siyempre ang make-up. Problema na iyan. Basta ganyan, kailangan mo na talaga ang mahusay na skin care sa ayaw at sa gusto mo. Kung hindi, baka iyang mga make-up na iyan pa ang makasira sa skin mo.
Iyon daw ang talagang dahilan kung bakit siya nagpunta at tinanggap din ang offer ni Dr. Manny Calayan na maging endorser ng Calayan Surgicenter. Talagang kailangan na niya eh, at saka ngayon nakikita naman niya ang advantage.
Iyon nga mismong procedure na ginagamit ni Solenn, ipinangalan sa kanya ni Dr. Calayan, iyong Solenn French Facial. Bale ang ginagawa riyan ay nililinis ang mukha sa pamamagitan ng isang machine na ang ginagamit lang ay tubig, tapos sinusundan ng gold facial mask.