MANILA, Philippines - Napaka-strong talaga ng personality ni Gladys Reyes na tinaguriang Primera Kontrabida ng Philippine television. Naalala ko pa, pinanonood namin sa bahay noong bata pa ako, ang Mara Clara na pinagbidahan nila ng tinaguriang Queen of Pinoy Soap Opera na si Judy Ann Santos. Matindi ang pagkaasar ng mga tao sa malditang si Clara (Gladys). At tumatak na sa masa ang pagiging kontrabida nito.
Kaya naman sa ginanap na Yahoo! Celebrity Awards, siya ang kinuha para maging presentor ng Male and Female Kontrabida of the Year award. Kapansin-pansin ang ‘pagtataray’ (pero pabiro) nito sa mga inaantok nang audience. Nagising ang mga tao at nagtilian nang magsimula itong bumanat, “Ang ganda ko sa personal ‘no? Ganu’n talaga eh, pakinisan na lang eh oh,” paghahamon ng aktres sabay taas ng braso para ipakita ang maputi at makinis niyang kili-kili.
Inamin ni Gladys na napakahirap maging kontrabida dahil “Kaiinisan ka ‘di ba? Magagalit sa’yo ang buong bayan.” Na totoo naman, at kapag ganu’n nga ang nangyari, ibig sabihi’y magaling kang kontrabida. Dapat daw laging in character lang, pero ang magaling na kontrabida raw eh “Kung sakitan, sakitan talaga. Kita n’yo si Judy Ann umimpis ‘yung pisngi, kasasampal ko!” sundot na birong pagtataray ng aktres kaya hagalpakan at palakpakan ulit ang mga tao.
Pero sa totoo lang wala namang magiging bida kung walang kontrabida ‘di ba?
Naalala ko pala, kapansin-pansin nang rumampa sa purple carpet ng Yahoo! ang mag-asawang Christopher Roxas at Gladys, halos hindi maipinta ang mukha ng mister ng Primera Kontrabida. Kung si Gladys at todo-ngiti at project sa mga reporter na nag-iinterbyu at mga cameraman na hindi magkandahumayaw sa kakukuha ng mga larawan nila, si Christopher naman ay nakaismid at hindi maintindihan ang pilit na ngiti. Hindi ko alam kung ako lang ang nakapansin nito, may problema kaya ang mag-asawa o talagang hindi lang mahilig si Christopher sa mga ganu’ng okasyon?