Marunong kasiNG magpatawad Komedyanteng inapi noon ng TV exec umaariba ang career ngayon

Maganda na ang takbo ng career ng komedyanteng ito sa telebisyon dahil sa sunud-sunod na ang mga trabaho niya.

Kelan lang ay nagkaroon siya ng private na feeding program para sa ilang mga kabataan bilang pasasalamat sa blessings na natatanggap niya.

Isa nga sa wish ng komedyante ay magtuluy-tuloy lang ang kanyang mga trabaho para mas marami siyang matulungan, lalo na ang kanyang pamilya sa probinsya.

Ayaw na nga niyang maulit ang pang-iinsulto na natanggap niya mula sa isang TV executive na basta na lang siyang tsinugi sa isang TV show dahil hindi siya gusto nito.

Kuwento ng komedyante na nasa kalagitnaan sila ng pictorial para sa naturang TV show nang dumating ang naturang TV executive. Noong makita raw siya sa studio, sinita raw siya at tinanong kung bakit siya nandoon? Kung kasali ba siya sa show?

Ipinagtanggol naman daw siya ng executive producer ng show at sinali nga nila ang komedyante dahil marami ang natutuwa rito.

Pero animo’y pinatanggal siya ng TV executive dahil hindi raw siya bagay sa show. Pauwiin na lang daw ito dahil hindi na ito kasali sa show. Nakakahiya raw sa magiging advertisers nila.

Wala raw magawa ang EP ng show dahil desisyon iyon ng kataas-taasan. Gustuhin man niya i-retain ang komedyante pero kailangan niyang sumunod.

Umiyak na lang daw ang komedyante sa loob ng dressing room dahil harap-harapang ininsulto raw siya ng TV executive. Pakiramdam niya ay isa siyang pulubi na pinagtabuyan basta-basta.

Pero nagsilbing challenge iyon sa komedyante at hindi nga siya nagpatalo sa lungkot.

Nagtrabaho siya nang husto sa mga raket na nakukuha niya. Wala nga siyang hinihindian na trabaho dahil gusto niyang patunayan na kaya niyang mang-aliw ng maraming tao at hindi siya dapat ikahiya.

Hanggang sa nawala na ang naturang TV executive at muli siyang kinuha para sa ilang shows.

Ngayon ay hinahanap-hanap siya parati ng mga tao, lalo na kapag may live audience, dahil kinaaliwan nga siya.

Pinatawad na nga ng komedyante ang TV executive na nagpatsugi sa kanya dahil mas nabiyayaan daw siya noong tanggalin niya ang sama ng loob niya rito.

JM marami pa ring fans, tinilian nang lumabas sa Kathniel movie

Mukhang makakabalik na ulit sa pag-arte ang biglang nawala na si JM de Guzman.

Nagkaroon nga siya ng guest role sa pelikulang She’s Dating The Gangster nila Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Nagtilian ang mga bagets na nasa loob ng sinehan nang bigla siyang ipakita sa pelikula.

Senyales ito na may dating pa rin si JM kahit na dumaan ito sa matinding personal na mga problema. Nandyan pa rin ang kanyang mga fans.

Nasa height ng kanyang popularity si JM nang bigla siyang mabalitang may problema na kaugnay ang paggamit ng ipinagbabawal na droga.

Meron siyang hit afternoon teleserye Angelito: Batang Ama at nag-launch pa siya ng kanyang CD album.

Dahil sa kanyang problema ay naging unprofessional siya at nawala ang ilang proyekto na dapat niyang gagawin. Kasama na rito ay ang pagganap bilang ang Filipino saint na si San Pedro Calungsod.

Napunta ang role na ito kay Rocco Nacino at naging isa sa official entries ng Metro Manila Film Festival last year.

Dahil sa magandang pagtanggap muli kay JM, balitang bibigyan ulit siya ng pagkakataon ng Kapamilya Network para magtrabaho.

May kontrata pa nga siya sa naturang TV network at umaasa sila na hindi babalikan ng aktor ang kanyang naging mga problema sa droga.

Dahil pinasok naman siya sa isang drug rehabilitation center ng kanyang ama, naging maayos daw ang recovery ni JM mula sa kanyang pinagdaanang substance abuse kaya pinayagan na itong makapagtrabaho ulit.

Premyadong Hollywood actor na si James Garner, pumanaw na

Nagluksa ang Hollywood sa pagkamatay ng isa sa premyadong aktor nila na si James Garner.

Ang legendary actor na nakilala sa mga big western movies noong ‘60s at sa hit TV series na The Rockford Files noong ‘70s ay 86-years old nang pumanaw ito from natural causes.

Ipinanganak sa Norman, Oklahoma si James Bumgarner (ginawa niyang Garner noong mag-artista siya) at nag-serve siya bilang National Guard during the Korean War. Pinasok niya ang show business sa pamamagitan ng mga TV commercials at TV shows. Hanggang sa mabigyan siya ng lead role sa series na Maverick in 1957.

Naging in-demand film actor si James at nakapareha niya sa mga pelikula sina Audrey Hepburn, Connie Stevens, Kim Novak, Shirley MacLaine, Doris Day, Julie Andrews at marami pang iba.

Na-nominate naman siya for best actor sa Oscars in 1985 para sa pelikulang Murphy’s Romance with Sally Field.

Naalala muli siya ng publiko nang lumabas siya sa comedy film na Space Cowboys with former co-stars Clint Eastwood, Tommy Lee Jones, and Donald Sutherland.

Pero tumatak nga siya sa younger audience nang siya ang gumanap bilang elder Ryan Gosling sa hit romance-drama na The Notebook in 2004. Nakamit pa niya ang nomination bilang best supporting actor para sa The Notebook mula sa Screen Actors Guild (SAG).

 Huli ngang naging TV show ni James ay ang sitcom na 8 Simple Rules from 2002 hanggang 2005.

Show comments