MANILA, Philippines - Madalas daw siyang tinutuksong pangit noong kanyang kabataan, kaya naman ito ang nag-udyok kay Dr. Vicki Belo na pasukin ang mundo ng pagpapaganda. Ngayong Miyerkules, kilalanin at bisitahin ang tahanan ng tinaguriang Doctor to the Stars sa Kapuso lifestyle program na Powerhouse.
Taong 2005 nang ipinatayo ni Vicki ang kanyang dream house na modern asian ang tema na dinisenyo ng arkitektong si Ramon Antonio. Isang “sanctuary” ang turing niya sa kanyang tahanan dahil malaya raw siyang nakapagpapahinga rito kasama ang kanyang pamilya.
Ang mga painting daw ang pinakamahal sa bahay ni Vicki pero hindi naman daw ito masasabing pagtatapon ng pera dahil itinuturing niya itong investment. Ilan sa mga obrang makikita sa kanyang bahay ay gawa nina Bencab, Malang at Anita Magsaysay-Ho.
Bubuksan din ni Vicki ang kuwento ng kanyang buhay bilang isang ampon. Kahit hindi man daw siya tunay na anak, hindi naman siya nakaramdam ng kakulangan dahil pinuno siya ng pagmamahal ng mga taong tumayong magulang niya. Pero may isang pangyayari raw noong bata pa siya kung saan inasar siya ng kanyang mga kaklase na mataba at pangit kaya pinaampon siya. Doon daw naisip ni Vicki na balang araw ay pagagandahin niya ang lahat ng babae.
Itinayo ni Vicki ang sariling dermatology clinic noong 1990. Sumikat ito dahil sa mga artistang kliyente at nag-e-endorso nito. Suwerte man sa negosyo, iba naman daw ang kanyang kuwento pagdating sa pag-ibig.
Ano ang tunay na estado ng buhay-pag-ibig ng doktora? Ano ang secret life niya noong siya ay dalaga pa na ginamit pa raw na pang-blackmail sa kanya? Sa edad na 57, totoo bang retokado na ang lahat ng parte ng mukha at katawan niya? Plano na ba niyang magretiro?
Samahan si Kara David na libutin ang bahay at mas kilalanin si Vicki Belo sa Powerhouse ngayong Miyerkules ng hapon, pagkatapos ng Dading, sa GMA-7.
Kwento sa likod ng viralwedding video ng isang cancer patient, tampok sa MMK
Ibabahagi ng Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN ngayong Sabado (Hulyo 26) ang walang kapantay na pagmamahalan nina Hazzy at Liezel Go na nasaksihan ng buong mundo sa pamamagitan ng video ng kanilang kakaibang kasalan noong Hunyo na halos naka-12 million views na sa YouTube sa loob lamang ng isang buwan.
Tuklasin sa MMK ang kwento sa likod ng tinaguriang heartbreaking wedding viral video nina Hazzy, isang pasyenteng may advanced stage 4 liver cancer at ng kanyang girlfriend sa loob ng apat na taon na si Liezel.
Alamin ang tunay na dahilan kung bakit kinailangang maganap agad ang kanilang pag-iisang dibdib sa ospital.
Gaano kalalim ang pag-iibigang sinubok ng isang malalang karamdaman? Tunay pa ba ang walang hanggan kung ang iyong minamahal ay binigyan na ng taning ang buhay?
Gaganap bilang Hazzy at Liezel sa MMK sina Carlo Aquino at Kaye Abad.