Taliwas sa sinasabi ng maraming kritiko, ang kumersiyalismo ay hindi iniisip noong araw sa mga pelikula ni Sharon Cuneta. Akala nila, kumersiyalismo ang motibo sa paggawa ng mga pelikulang hango sa mga kuwento sa komiks. Akala nila kumersiyalismo ang paggawa ng sinasabi nilang “formula movies”. Pero hindi iyon ang dahilan.
Hindi natin maikakaila na noong nagsimula sa show business si Sharon, napakataas ng tingin ng mga tao sa kanya, dahil galing siya sa isang mayamang angkan. Ang ama niya ay mayor ng Pasay. Noong panahong iyon napakataas ng pagtingin ng mga tao sa isang mayor. Hindi kagaya ngayon na kahit na mas matataas pang opisyal nilalait na sa mga social networking sites.
Iyong formula, at iyong pagpili ng mga kuwento mula sa komiks ay “para maibaba si Sharon at maabot ng masa,” madalas na sinasabi ng kanyang manager noon na si Mina Aragon. Iyon naman ang dahilan kung bakit sumikat nang husto si Sharon at natawag ngang isang “Megastar”.
Noong mawala si Mina Aragon, naiba na siyempre ang diskarte sa career ni Sharon. May mga pelikulang alam mong ginawa para maghabol ng awards, na nangyari naman. Mayroong mga pelikulang alam mong ipinagawa sa kanya para sa kumersiyalismo. Pero mukhang iyang kumersiyalismo ay hindi bagay kay Sharon, dahil hindi iyon gusto ng kanyang mga fans. Hindi iyon ang hinahanap nila sa kanya.
Kung natatandaan pa ninyo, noong panahong usung-uso ang mga massacre movies, na kahit na nga iyong mga artistang hindi marunong umarte gumagawa ng mga ganyang pelikula at kumikita, sinubukan nilang pagawin ng ganyan si Sharon. Ginawa niya iyong Lilian Velez Story, na sa totoo lang kahit na kami ay hindi namin pinanood noon. Napanood lang namin iyon nang madaling araw sa cable TV kamakailan. Natapos pala iyon na nagmumulto si Sharon. Isa iyon sa mga pelikulang kinatisuran ng kanyang career. Noon ding uso iyong mga cheap comedy, pinagawa rin ng ganoon si Sharon, iyong Mega-Mol, na kasama si Andrew E. Naglupasay din ang pelikulang iyon. Iyan ang mga maling projects na naipagawa kay Sharon. Kailangan kasi pagpaplanuhan talaga eh.
Ngayon naririnig naman namin, matapos ang matagal na panahong hindi siya gumagawa ng pelikula, pagtatambalin daw sila ulit ni Gabby Concepcion? Uso pa ba iyon? Kumita ang pelikula noong araw dahil may romantic angle. Ngayon, alam naman nating may ibang pamilya na si Sharon. Si Gabby naman, matapos na mahiwalay kay Sharon ay ilang babae na rin ang pinakasalan at maliban sa Megastar, tatlong babae na rin ang naanakan. Ano pang romantic angle ng aasahan mo roon?
Hindi ba dapat pabayaan na nila kina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang mga ganyang klase ng formula?
Julia hinahanapan pa rin ng rason ang pagpapalit ng apelyido
Mukhang tama ang isang puntong lumalabas sa ngayon. Bakit daw sa tatlong anak nina Dennis Padilla at Marjorie Barretto ay tanging si Julia lamang ang magpapalit ng apelyido, ganoong ang sinasabi nilang dahilan ay iyong annulment ng kasal noong dalawa.
Sabi nga ni Dennis, seventeen years ginagamit ni Julia iyong Baldivia sa lahat ng pertinent papers. Noon na lang nag-showbiz siya at saka siya nagpakilalang Julia Barretto. Labinlimang taon na rin ang anak nilang si Claudia na gumagamit ng apleyidong Baldivia. Labing isang taon na ring ginagamit iyon ng kanilang anak na si Leon. Bakit nga naman magpapalit ng apelyido si Julia, at bakit siya lang?
Ano nga ba ang tunay na dahilan at gustong alisin ni Julia Barretto ang apelyido ng kanyang ama?