Bida si Dennis Trillo sa pelikulang The Janitor ng APT Entertainment. Paliwanag ng director na si Michael Tuviera, ang Janitor dito ay gumamit ng metaphor kung saan inihahambing si Dennis bilang hitman na tagalinis ng mga masasamang elemento ng lipunan. Pero para hindi makagulo sa isipan ng mga manonood may isang eksena na role ng isang janitor ang kanyang inilarawan.
Para kay Dennis nagpapasalamat siya sa prodyuser ng APT dahil nabigyan siya ng matinding pelikula bilang hitman na challenging. Nag-interbyu ito ng modern day hitman para maging makatotohanan ang pagganap.
“Dream come true ang project at binigyan pa ako ng matitinding cast gaya nina Richard Gomez, Derek Ramsay, Raymond Bagatsing, LJ Reyes, at marami pang iba. Isa pa, maganda ang istorya.
Ito’y madugong istorya ng nangyari nung July 21, 2011 kung saan 10 bank employees ang napatay sa loob ng Mabuhay Savings Bank sa San Pedro Laguna,’’ aniya.
Pinaghadaang mabuti ni Dennis ang role ng hitman at natutuwa siya dahil pinangarap niyang maging action star. Para maging realistiko ang syuting ng bank robbery tumagal ito ayon kay Direk Tuviera ng isa at kalahating araw na kinunan mula umaga hanggang gabi. Kinunan ito sa loob ng bangko kung saan maraming tao.
‘‘Lahat ng eksena ay pinag-iisipan ko dahil nakasalalay dito ang matitinding emosyon dahil pinapatay ang mga tao,’’ say pa nito.
Ang The Janitor ay bahagi ng Directors Showcase ng upcoming Cinemalaya at ipi-feature sa tenth year celebration ng Cinemalaya mula August 1-10, 2014 at magkakaroon ng Gala Night sa August 4, 6:15 ng gabi sa CCP Main Theater.
LJ hindi nakatikim kay Dennis
First time na makatrabaho sina LJ Reyes at Dennis Trillo. Gaganap silang mag-asawa sa The Janitor. Noon pa niya gustong makatrabaho ang aktor dahil nagagalingan siya rito. Kahit mag-asawa ang role ng dalawa ay wala naman silang love scene sa movie.
Maganda ang chemistry nilang dalawa at nag-enjoy si LJ habang ginagawa ang pelikula. Lagi kasing nakaalalay si Dennis sa mga eksena nila.