Sobrang laking pasasalamat ni Alwyn Uytingco sa Diyos gayundin sa TV 5 sa pagbibigay sa kanyang lead role sa Beki Boxer dahil nagkasunud-sunod na ang programa nito kabilang na ang Jasmine.
“Malaki ang naitulong sa akin ng Beki Boxer dahil natuto akong pangalagaan ang aking karakter bilang boksingero. Nagkasama rin kami ng staff sa loob ng apat na buwan kaya para kaming isang pamilya. Nakakalungkot na magtatapos na ito.”
Ayaw muna ng actor na lumabas sa gay role. Bading din kasi ang karakter nito sa Jasmine. Gusto niyang mag-direct o magprodyus sa telebisyon o indie movie.
Ayon pa rin kay Alwyn gusto niyang maging bida-kontrabida sa isang suspense-thriller movie na psychological ang dating.
“Gusto kong idirek si Jennica (Garcia na GF niya) sa pelikula kaya lang ayaw niya dahil baka hindi niya seryosohin ang pag-arte. Baka matawa lang daw siya kapag nagbibigay ako ng instruction sa mga eksena,” sey pa ng actor.
Maganda ang ending ng Beki Boxer kung saan sasagutin ang tanong kung ano ang magiging reaksyon ng bansa kapag nalamang beki pala ang kanilang kampeon. Huwag palampasin ang pagtatapos ng serye sa July 4 at 7:00 pm.
Celebrity hour, ilulunsad na
Magiging star-studded ang Celebrity Hour ngayong Sabado, July 5 dahil dadaluhan ito ng mga artista at mang-aawit sa Tiara Hotel mula 9:00 am hanggang 12 noon.
Magiging punong-abala ang magaling na psychic na si Danny Atienza at FAMAS President na si Eloy Padua. Panelists din sa MTRCB member si Francia Conrado at ang inyong lingkod na magkakasama rin sa programang Tsismax na mapapanood tuwing Biyernes ganap na 6:00 pm sa Destiny Cable (Channel 8) at Skycable.
Naglalayon ang Celebrity Hour na magkabuklud-buklod ang celebrities sa pamamagitan ng isang forum na tumatalakay sa mahahalagang paksa ‘di lang sa showbiz kundi gayundin sa mga current issues ng bansa. Magbibigay sigla siyempre ang mga mang-aawit na guests din sa Tsismax.
Charee ayaw maging bida
Isa sa magaling na kontrabida ng Kapuso Network si Charee Pineda na hinangaan ang acting sa Akin pa rin ang Bukas at The Barrowed Wife. Kasama dapat ang aktres sa indie film na Kamkam kaya lang hindi nito kayang sumabak sa daring scenes gaya nang ginawa ni Jackie Rice sa maiinit nilang eksena ni Allen Dizon kaya siya nag-back out.
Wala pang ginagawang proyekto ngayon si Charee pero abala naman ito bilang konsehal ng Valenzuela City. Abala rin ito sa proyektong Alternative Learning na nagtuturo sa mga out of school youth.
At kung siya ang papipiliin mas type niyang maging kontrabida kaysa maging bida.